MANILA, Philippines - Kinumpirma ng Department of Interior and Local Government (DILG) ngayong Miyerkules ang mga ulat na sinuspinde ng Malacañang si Cebu Gov. Gwendolyn Garcia nang anim na buwan dahil sa usurpation case na isinampa ng namayapang bise gobernador na si Greg Sanchez.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ng kalihim ng kagawaran na magsisimula ang suspension ni Garcia ngayong araw matapos maglabas ng resulta sa imbestigasyon ang Palasyo na iniipit ni Garcia ang paglalabas ng pondo para kay Sanchez noong 2010.
"Inatasan ng Pangulo noon si Secretary Jesse Robredo na imbestigahan ito at natapos niya 'yung kanyang imbestigasyon at ipinadala na ito sa Malakanyang early part of this year, so magmula noon nire-review na ito," sabi ni Roxas.
Hinihiling ni Roxas sa mga tagasuporta ni Garcia na hayaang maipatupad ang naturang kautusan.
Sa iba pang ulat sa radyo, sinabi ng tauhan ng DILG na hindi nila mahagilap si Garcia sa kanyang opisina upang ibigay ang suspension order. Dennis Carcamo