MANILA, Philippines- Sinimulan nang ipatupad ng Makati City Police ang comprehensive security plan nito para sa lungsod para sa panahon ng kapaskuhan.
Sinabi ni Senior Superintendent Manuel Lukban, hepe ng Makati City police, na sa ilalim ng “Makati Joint Security Scheme” ay hindi lamang dapat nakaatang sa pulisya ang responsibilidad sa pagpapanatili ng seguridad sa buong lungsod sa panahon ng kapaskuhan.
“Makati has so many units involved with the maintenance of peace and order. We have defined the function of each and we have organized them to include the security personnel of subdivisions, malls, offices and the barangays,” sabi ni Lukban.
Ayon sa plano, tutulungan ng mga baranggay tanod ang mga pulis sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa iba’t ibang baranggay sa lungsod gayundin ang gagawin ng mga security guards sa mga malls, subdivision, hotel, at mga opisina.
Ang mga naka-unipormeng pulis ay magpapatrulya sa mga kalsada ng lungsod upang magkaroong ng mas matinding presensya ng pulisya sa matataaong lugar.
Sinabi pa ni Lukban na ang mga pulis, tanod at security guard ay magkakaroon ng ugnayan sa pamamagitan ng mga handheld radio.
Samantala, ipinagmalaki ni Lukban na pinagtibay na ng Makati police ang presensya nito sa palibot ng lungsod lalo na sa mga business at commercial areas.
“We are now focused on operations against street crimes, petty crimes inside the malls and robberies inside public utility vehicles,” sabi ng hepe.
Inutusan din ni Lukban ang papapatrulya ng Special Weapons and Tactics (SWAT) and quick response police teams.
Aniya, ang mga pulis na naka-uniporme ay mananatili lamang sa mga pasukan at labasan ng mga malls at ipinagbabawal na pumasok sila sa loob habang naka-uniporme.
“Based on our experience, policemen who are supposed to go on patrols inside the malls end up just malling and could not be found immediately when they are really needed,” sabi niya. Mike Frialde