MANILA, Philippines – Inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na mula ngayong Biyernes ay wala nang window hours na ibibigay para sa modified truck ban, ibig sabihin ay bawal na talagang dumaan ang mga trak sa kahabaan ng EDSA.
Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na ang truck ban sa EDSA, mula Magallanes interchange sa Makati hanggang sa Trinoma sa Quezon City, ay ipapatupad 24-oras mula Lunes hanggang Linggo.
Aniya, ang total truck ban sa EDSA ay bahagi ng modified truck ban scheme na inaprubahan noong Disyembre 3 para sa implementasyon ng Special Traffic Committee (STC) ng Metro Manila Council, ang policy making body ng MMDA.
"We no longer have window hours for trucks passing through EDSA. Trucks with a gross weight of 4,500 kilograms and above are not allowed in any portion of EDSA 24 hours a day, seven days a week," sabi niya.
Sa lumang truck ban scheme ng MMDA, pinapayagang dumaan ang truck sa EDSA mula alas-9 ng gabi hanggang alas-6 ng umaga.
Inaprubahan ni STC chairman at Quezon City Mayor Herbert Bautista ang modified truck ban na ipatutupad hanggang Enero 6, 2013.
Samantala, nilinaw ng MMDA na ang mga trak na may dalang agricultural products ay hindi kasali sa modified truck ban.