MANILA, Philippines – Isang pulis-Zamboanga City ang nanganganib na masibak sa serbisyo matapos mahuling nangingikil ng pera sa isang motorista, ayon sa isang opisyal ngayong Miyerkules.
Sinabi ni Chief Superintendent Napoleon Estilles, Police Regional Office 9, nakasuhan na si PO2 Reynaldo Tejano Bello ng Sta. Maria Police ng abuse of authority matapos siyang maaresto sa isang operasyon.
Inutusan ni Estilles ang mga tauhan ng Regional Investigation and Detective Management Division (RIDM) na magsagawa ng entrapment operation kay Bello matapos silang makatanggap ng mga reklamo laban sa pulis.
Nahuli ng mga awtoridad si Bello sa aktong tumatanggap ng pera mula kay Arthur delos Reyes ng Lumiyap, Divisoria sa may Land Transportation Office sa Sta. Barbara noong Biyernes.
Nauna nang nagreklamo si Delos Reyes, ayon kay Estilles.
Ayon kay Delos Reyes, hinuli siya ni Bello noong Nobyembre 20 dahil sa paglabag sa batas-trapiko habang nagmamaneho siya ng motorsiklo habang dumadaan sa Governor Ramos Avenue.
Sinamsam ni Bello ang motorsiklo at dinala sa Sta. Maria Police Station. Humingi umano ang pulis ng P500 mula kay Delos Reyes para pakawalan ang sasakyan.
Inihahanda na ang inquest at dismissal proceedings laban kay Bello.