MANILA, Philippines – Namatay na ang isa sa dalawang Army scout rangers na nadale sa pagsabog ng isang roadside bomb na itinanim ng mga miyembro ng Abu Sayyaf sa liblib na baranggay ng Basilan kahapon, ayon sa isang opisyal ng militar.
Sinabi ni Capt. Alberto Caber, tagapagsalita ng 1st Army Tabak Division, namatay si Corporal Mark Dandin Gomez dahil sa severe injuries mula sa pagsabog ng bomba habang si Private First Class John Garde ay nagpapagaling pa sa military hospital sa Zamboanga City.
Kabilang ang dalawang subdalo sa isang platoon ng Army scout rangers na nagpapatrolya sa Barangay Cangalan, bayan ng Ungkaya Pukan, nang masabugan ng bomba bandang 7:50 ng umaga kahapon.
“Post blast investigation by elements from the Explosive and Ordnance Disposal (EOD) Unit at the blast site revealed that the said bomb was cellphone detonated,” sabi ni Caber.
Aniya, nakuha ng mga tauhan ng EOD mula sa pinangyarihan ng pagsabog ang mga piraso mula sa isang mortar round at mga piraso ng cellphone.
Hindi masabi ng military kung aling grupo ang nasa likod ng pagsabog ngunit inihayag na ang pag-atake ay kahawig sa paraan ng pag-atake ng bandidong Abu Sayyaf.