MANILA, Philippines - Utas ang limang miyembro ng Cordillera-based group na carjackers kahapon sa mga pulis sa bayan ng Gerona, Tarlac.
Sinabi ni Superintendent Ponciano Zafra, hepe ng Gerona municipal police, umuusad na ang imbestigasyon sa pag-alam ng pagkakilanlan ng limang suspek na kinabibilangan ng apat na lalaki at isang babae.
Ani Zafra, ang limang suspek ay mga taga-Kalinga base sa inisyal na resulta ng physical examination sa lugar na pinangyarihan ng engkuwentro.
Dagdag ni Zafra, ang mga suspek ay mula pa ng Baguio City kung saan nila ninakaw ang Toyota Innova (NDO-933) na minamaneho ni Roldan Ymson, 67, noong Sabado ng gabi. Isinama ng mga suspek si Ymson bilang hostage.
Natanggap ng mga pulis-Baguio ang ulat bandang 1:30 ng madaling araw at agad nagpalabas ng alarma sa iba pang yunit ng pulisya.
Sinabi pa ni Zafra na nakatanggap sila ng ulat na mayroong mga kaduda-dudang lalake na pinuwersang buksan ang gate ng isang farm sa Baranggay Danzo, Gerona.
Pinapunta ang patrol team na malapit sa Baranggay Danzo upang kumpirmahin ang ulat, ngunit imbes na sumuko ay nagpaputok ang mga suspek sa mga pulis kaya naman nagkaroon ng barilan.
Nakuha mula sa mga suspek ang dalawang kalibre .45 pistols, dalawang .38 na rebolber at MK-2 fragmentation grenade na sinubukang pasabugin ng isa sa mga suspek habang nasa kainitan ng barilan.
Bandang 8 na ng umaga narekober ng mga pulis ang katawan ni Ymson sa Pozzorubio, Pangasinan. Dennis Carcamo