MANILA, Philippines - Pinayagan na ngayong Lunes ng Quezon City court na may hawak sa Maguindanao massacre ang hiling ng prosekusyon na ilipat sa national headquarters ng pulisya sa Camp Crame ang isang posibleng tumayong state witness laban sa mga suspek sa karumaldumal na krimen noong Nobyembre 2009.
Sa dalawang-pahinang desisyon, iniutos ni Judge Jocelyn Solis-Reyes ng Quezon City Regional Trial Court Branch 221 ang paglilipat kay Bong Andal mula Camp Bagong diwa sa Taguiog City sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City.
Inayunan ni Reyes ang hiling ng prosekusyon bilang pagsaalang-alang sa seguridad ni Andal na nakapiit sa iisang lugar kung saan nakakulong ang mga pangunahing suspek sa Maguindanao massacre, kabilang ang mga matataas na miyembro ng angkan ng mga Ampatuan sa pangunguna nina Andal Ampatuan Sr. at Andal Jr.
Samantala, hindi pa nagpalabas ng desisyon si Reyes sa isa pang hiling ng prosekusyon na gawin nang state witness si Andal mula sa paggiging susek.
Si Andal ang operator ng backhoe na ginamit sa pagbabaon ng mga sasakyan ng mga biktima ng masaker sa bayan ng Ampatuan noong Nobyembre 23, 2009. Ilan sa mga ibinaong sasakyan ay may laman pang mga bangkay ng mga biktima.
Sa nangyaring masaker ay 58 katao, kabilang ang 32 mamamahayag at kamag-anak ng ngayo'y Maguindanao Governor Esmael Mangudadatu, ang walang awang pinagpapaslang ng mga miyembro ng pamilyang Ampatuan at kanilang private army. Dennis Carcamo