MANILA, Philippines – Utas sa mga pulis ang lider ng isang private armed group nang magpang-abot ang dalawang grupo sa isang liblib na barangay sa La Trinidad, Benguet.
Napatay ng mga pulis si Geofrey Banya-ao habang ang kapatid niya ay sugatan ngunit nakatakas kasama ang iba pang miyembro ng grupo.
Pinaghahahanap ng mga awtoridad si Banya-ao dahil sa kasong murder at frustrated murder.
Ayon kay Chief Superintendent Benjamin Magalong, direktor ng Cordillera police regional office, nangyari ang engkwentro matapos ihayin ng mga special units ng pulis ang warrant of arrest kay Banya-ao sa pinagtataguan niya sa Mt. Balaug, Tanudan.
Isang pulis baman ang nasugatan sa engkuwentro ng dalawang grupo.
Ayon pa kay Magalong, paiigtingin nila ang kanilang programa laban sa private armed groups sa rehiyon at pipiliting malipol lahat ng mga loose firearms sa buong rehiyon bago ang halalan sa susunod na taon.
Kamakailan lamang ay nasakote rin ang most wanted private armed group leader ng Abra na si Prudencio Britanico Jr. ng mga pulis Maynila. Artemio Dumlao