MANILA, Philippines – Nakakita ng probable cause ang Makati City Prosecutor's Office upang sampahan ng kasong murder ang tatlong negosyante at isang estudyante ng De La Salle University dahil sa umano’y pambubugbog at pagpatay sa isang dating marino ng Estados Unidos sa Makati City noong Sabado.
Sa limang-pahinang desisyon, binigyan ng kredebilidad ng piskal ang sinumpaang-salaysay ng sekyu na si Jose Rommel Saavedra laban kina Jose Alfonzo Abastillas, 24; Crispin Chong Dela Paz, 28; Osric Malabanan Cabrera, 27; at Galicano Salas Datu III.
Ang apat na suspek ay nakasuhan dahil sa pagkamatay ng dating marino ng Estados Unidos na si George Anikow.
Ginawa rin basehan ng piskal ang CCTV (closed-circuit television) footage kung saan nakita rito na binubugbog ng apat na suspek si Anikow.
Binawian ng buhay sa Makati Medical Center bandang 7 ng umaga noong Sabado si Anikow, 41, ng Bel-Air subdivision. Dinala ang katawan ng marino sa Rizal Funeral Homes sa Pasay para isailalim sa autopsy.
Lasing umano si Anikow noong nangyari ang insidente. Katabi niya si Saavedra na nakatayo sa gate ng naturang subdivision nang dumating ang mga suspek sakay ng isang gray na Volvo sport utility vehicle (TOJ-886) bandang 3:55 ng umaga noong Sabado.
Dadaan sana ang mga suspek sa subdivision upang gawing short cut papuntang Palm Village kung saan nakatira si Cabrera.
Kinausap nang nagmamaneho ng SUV na si Abastillas ang gwardya na si Saavedra. Naiulat na sumingit sa usapan si Anikow at sinabing “You need to present your ID, the guard is checking you.”
Hindi pinansin ni Abastillas si Anikow, ngunit nairita ang nagmamaneho nang paluin ng dating marino ang pintuan ng sasakyan.
Hinarap ng mga nabanas na suspek si Anikow dahil sa ginawa nito. Sinubukan naman pumagitna ni Saavedra upang awatin ang mga suspek ngunit itinulak umano ng dating marino ang isa sa mga suspek kaya nauwi sa suntukan.
Tumakbo papalayo si Anikow ngunit hinabol pa rin siya ng mga suspek. Nang magpang-abot muli ay itinuloy umano ng mga suspek ang pambubugbog sa dating marino hanggang bumagsak ang biktima.
Habang binubugbog ay sinaksak pa ng mga suspek si Anikow na siyang ikinamatay ng biktima.