MANILA, Philippines – Hindi pinayagan ng Commission on Elections (Comelec) ang Black and White Movement na lumahok sa party-list election sa 2013.
Sa isang en banc heraing, limang commissioner ang humarang ngayong Huwebes sa aplikasyon ng grupo na tumakbo sa mid-term elections.
Isa si Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr. sa mga bumoto laban sa aplikasyon ng Black and White Movement. Ang iba pang commissioners ay sina Rene Sarmiento, Elias Yusoph, Lucinito Tagle, at Armando Velasco.
Hindi naman sumali sa botohan sina Commissioners Robert Lim at Grace Padaca.
Sinabi ng Comelec en banc na ang Black and White Movement ay isang advocacy group at ang mga nominado nito ay hindi kumakatawan ng marginalized sector.
Kabilang sa mga nominado ng grupo ang singer na si Leah Navarro.
Bago pa hindi payagan ang grupo, marami nang party-list groups ang nananawagan sa Comelec na huwag payagan ang Black and White Movement dahil kaalyado ito umano ng administrasyong Aquino. Dennis Carcamo