MANILA, Philippines – Isang dating security aide ng namayapang Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jesse Robredo ang nanguna sa Police Executive Service Eligibility (PESE) written examination na ibinigay noong Agosto 26 ng National Police Commission (Napolcom).
Ayon sa Napolcom, pinangunahan ni Police Superintendent Rodolfo D. Castro Jr. ang kanyang klase sa Police Intelligence Officers Course and Police Intelligence Officers Advance Course.
Si Castro ay nanilbihan kay Robredo nang isang taon bago mamatay ang kalihim noong Agosto 18.
Nakadestino ngayon si Castro sa Pangasinan Provincial Police Office, Police Regional Office 1 at napipisil na hiranging Chief Operations Officer.
Sa tala ng Napolcom, isa si Castro sa apat na nangunang nagtapos sa Philippine National Police Academy (PNPA) Batch 1999.
Kabilang sa top five na kumuha ng PESE writtern exam sina: Chief Insp. Rudy L. Elandag (Top 2); Chief Insp. Marlon B. Oloan and Supt. Conrado L. Villanueva (Top 3); Chief Insp. Arthur V. Bisnar and Supt. Deanry R. Francisco (Top 4); and, Supt. Eleazar S. Gran, Supt. Manuel P. Castro, Chief Insp. Abubakar U. Mangelen, Jr., Chief Insp. Reycon L. Garduque at Chief Insp. Edward D. Quijano (Top 5).
Nakaupo ngayon bilang hepe ng Makati Police Intelligence Division si Garduque.
Samantala, sinabi ng Napolcom na sa 372 na senior officials na kumuha ng pagsusulit ay 194 lamang ang pumasa (52 percent), na binubuo ng 75 Police Chief Inspectors, 114 Police Superintendents at limang Police Senior Superintendents.
Sinabi ni Napolcom Vice-Chairman at Executive Officer Eduardo Escueta na ang pumasang 194 na opisyales mula sa buong bansa ay kwalipikado na upang dumiretso sa validation interview na nakatakdang gawin sa Nobyembre 24 at 25, 2012 sa Napolcom head office sa Makati City.
Dagdag ni Escueta, bubuuin ang mga interviewers ng mga senior officials mula sa Napolcom at PNP at kinatawan ng ilang civil society.
“The PESE is an eligibility requirement for the ranks of Police Senior Superintendent (equivalent to colonel in the military) to Police Director General (equivalent to four-star general),” sabi ni Escueta.
Ayon pa kay Escueta, ang PESE na pagsusulit ay binubuo ng written at panel interview kung saan ang kandidato ay dadaan sa mga tanong tungkol sa police leadership at police values. Mike Frialde