MANILA, Philippines – Dinisarma ng mga pulis at mga operatiba ng Army bomb disposal ang dalawang malalakas na bomba na natagpuan sa gilid ng national highway sa Kidapawan City, North Cotabato ngayong Martes.
Sinabi ng Kidapawan City police director Superintendent Renante Cabico na maswerte lamang na napadaan ang off duty na miyembro ng Citizens Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) na si Leonardo Podadera at matagpuan niya ang dalawang improvised explosive device (IED).
Gawa sa mataas na kalidad ang dalawang IED na nakalagay sa loob ng dalawang lata na may nakapaloob pang pira-pirasong bakal. Nakatanim pa ang bomba sa gilid ng highway sa may hangganan ng mga baranggay ng Marbel at Mateo.
Sinabi ni Podadera sa mga imbestigador na una niyang nakita ang nakausling kable sa kabilang parte ng kalsada at natagpuang nakakonekta ito sa dalawang lata na may IED.
Kaagad nitong iniulat ni Podadera sa pinakamalapit na kampo ng Army 57th Infantry Batallion na siyang humingi ng tulong sa mga eksperto ng bomba ng militar. John Unson