Testigo sa P12-B pyramid scam hawak na ng NBI

MANILA, Philippines – Hawak na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang opisyal ng kontrobersyal na pyramid scam na Aman Futures Philippines Inc., ayon kay Justice Secretary Leila de Lima ngayong Martes.

Sinabi ni De Lima na hawak na ng NBI si Donnay Coyme, financial manager ng pyramiding firm, at nangakong makikipagtulungan sa imbestigasyon na gagawin ng gobyerno.

Ayon pa sa kalihim, nakahanda si Coyme na isiwalat ang “modus operandi” ng scam na may nakolektang P12 bilyon mula sa mga biktimang taga Visayas at Mindanao.

Pinag-iisipan pa ng Department of Justice (DOJ) kung ilalagay sa Witness Protection Program (WPP) si Coyme.

Kamakailan lamang ay inamin ni Coyme na umabot sa P500 milyon ang kanyang naiproseso mula sa mga investor ng kumpanya. Sinabi rin niya na dati siyang tutor ng mga anak ni Fernando Luna, isa sa mga opisyal ng Aman Futures.

Ayon kay Coyme, siya mismo ang naglalabas ng tseke mula sa Aman Future at nag-aayos ng mga rekord ng mga investors.

Samantala, sinabi ni De Lima na naghahanda na ang DOJ ng susunod nitong hakbang kontra sa dalawang lider ng kontrobersyal na Aman Futures at Rasuman Group.

Sinabi pa ng kalihim na hiniling na ng DOJ at NBI ang pagpigil o pagputol sa mga assets nina Manuel Amalilio ng Aman Futures at Coco Rasuman ng Rasuman group.

Sa madaling panahon ay isasampa na sa korte ang kaso laban kina Amalilio at Rasuman sabi ni De Lima.

Show comments