MANILA, Philippines – Arestado ang isang pedicab driver na lumalagareng drug pusher sa Cotabato City, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ngayong Lunes.
Kinilala ni PDEA chief Arturo Cacdac Jr. ang suspek na si Madatu Uban, 33 ng San Jose, Mother Barangay Tamontaka, Cotabato City.
Sinabi ni Cacdac na naaresto ng PDEA si Uban noong Nobyembre 14 sa isang buy-bust operation, kung saan nakuha sa suspek ang tatlong gramo ng shabu, 500 gramo ng marijuana at iba’t ibang drug paraphernalia.
Kabilang si Uban sa listahan ng PDEA bilang isa sa mga drug personalities na siyang dahilan din sa paglobo ng ilegal na droga sa Mother Baranggay Tamontaka at sa mga karatig na baranggay.
Nakakulong ngayon si Uban sa PDEA Regional Office-ARMM Custodial Facility at nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs), Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) at Section 12 (Possession of Paraphernalia), Article II ng Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Dennis Carcamo