MANILA, Philippines – Hihirangin bilang isang "everyday hero" ang bayaning aso na si Kabang, na naging pamoso matapos iligtas ang mga anak ng kanyang amo sa Zamboanga City noong nakalipas na taon.
Ayon kay Dr. Anton Lim, isang beterinaryo sa Zamboanga City at opisyal ng Tzu Chi foundation, bibigyang parangal ng American Red Cross ang aso bilang "everyday hero" sa Davis County sa California.
Si Lim ang tumulong kay "Kabang" upang maiyos ang nasira niyang nguso sa California.
Napansin ang pagiging bayani ni "Kabang" matapos niyang ipain ang sariling katawan upang hindi mabunggo ng paparating na motorsiklo ang dalawang anak ng kanyang among si Rudy Bunggal. Sa tangkang pagsagip sa mga bata, nasira ang nguso ng aso.
Ayon kay Lim, gaganapin ang seremonya ng pagpaparangal sa aso sa darating na Disyembre.
Sinabi rin ng doctor na sumasailalim pa sa patuloy na panggagamot ang aso kaya isang kinatawan ng veterinary clinic ang tatanggap ng pagkilala.
Sumasailalim si Kabang sa anim na buwang gamutan. Sumasailalim din siya sa apat na sesyon ng chemotherapy dahil sa isang tumor na tumubo na nagresulta sa pagdurugo ng kanyang ari.
“Kabang is okay now. The tumor is almost gone and after the process we have to go after the heart worm treatment,” sabi ni Lim. Aniya ang heart worm treatment ay isasagawa bago ang pagsasaayos ng nguso ng aso.
Dahil sa ginawang kabayanihan at talinong ipinakita ni Kabang ay nakakuha ito ng atensyon mula sa mga Amerikanong dog lovers.
“And they were asking the how much is an Aspin breed. I can only joke and say we have a lot,” aniya.
“And because of Kabang, the perception of being a dog-eating nation has changed. They say you are now known as a dog-caring nation. It really gained and brought up the interest of Americans in having the Aspin breed,” pahayag ni Lim. Roel Pareño