2 Senate bets kontra political dynasty

MANILA, Philippines – Dalawang kandidato sa pagka-senador ang nangakong isusulong ang anti-dynasty bill sa pamamagitan ng "people's initiative."

Ayon kina senatorial bets Samson Alcantara at Ric Penson nakapaghanda na sila ng petisyon para sa pangungolekta ng mga pirma kontra sa political dynasty sa bansa.

"Ang dynasty kailangang ma-prohibit talaga under our Constitution pero general sa Constitution as maybe provided by law. Ang problema walang batas kasi most of them (mga mambabatas) come from political dynasties and families," pahayag ni Alcantara sa isang media forum sa Greenhills, San Juan City.

Sinabi pa niya na naghayin na ang kanyang grupong Social Justice Society ng petisyon sa Kongreso noon pang 2002 para bigyan ng kaukulang pansin ang political dynasty.

"Mayroon na kaming proposed na batas na sinusulong namin so sa amin up to third civil degree whether by affinity or by consanguinity, both in appointive or legislative positions," dagdag ni Alcantara na nagtuturo ng labor law sa New Era University, Manuel L. Quezon University at University of Santo Tomas.

Para sa kanyang parte, sinabi ni Penson, miyembro ng Krusada Kontra Dynasty, na hindi niya inaasahan ang Korte Suprema na ipatupad ang petisyon para sa judicial review ng probisyon ukol sa anti-political dynasty sa Saligang Batas.

"We cannot launch a mandamus or a judicial review because everybody knows we have a non-proactive Supreme court....what remains for us to do is people's initiative," ani Penson na dating aktibista noong panahon ni Marcos.

Hinamon din niya ang iba pang kandidato upang pirmahan ang petisyon upang maitulak ang pagpasa sa anti-dynasty law.

"Hinahamon namin ang ibang kandidato na pirmahan natin ito. Sign a covenant with the people at kung di ma-enforce ito, mag reresign kami by 2016," sabi ni Penson.

Binatikos din niya ang Liberal Party at United Nationalist Alliance sa pagbuo ng senatorial slates na may magkakamag-anak.

"Iyong inilatag ng LP, at yung oposisyon, UNA. Out of 95 million na magagaling na Pilipino pero hindi tayo makuha ng isang dosena na tatakbo. Yung tatlong kandidato guest candidates pa. Lokohan na ito," reklamo niya.

Sa isang peoples initiative, kailangan makakalap ang mga naghayin ng petisyon ng kahit tatlong porsyento ng rehistradong botante sa bawat congressional district sa bansa.

Matapos itong makumpleto ay ipapasa ang petisyon sa Commission on Elections para sa beripikasyon ng mga pirma. Isusunod ang referendum kapag kumpleto na ang lahat ng mga kailangan. Dennis Carcamo

Show comments