Guro dinukot sa Zamboanga City

MANILA, Philippines - Isang guro ang dinukot ng mga armadong lalaki na nagpanggap bilang mga sundalo nitong Martes ng gabi sa Zamboanga City.

Kinilala ang public school teacher na si Flordeliza Ongchua, residente ng Baranggay Labuan.

Ayon sa mga pulis, lulan ng “jungkung" -- isang klase ng pumpboat -- ang may 10 hanggang 15 armadong kalalakihan at dumaong bandang 6:00 ng gabi malapit sa Police Action Center at sa bahay ng pinsan ng biktima na si Barangay Chairman Oning Maravilla.

Mabilis na pumasok sa PAC ang mga suspek at napakilala pa kay Police Officer 3 Romeo Quillo bilang mga miyembro ng militar. Pagdaka'y dinis-armahan ng mga suspek ang pulis at pumasok sa bakuran ng bahay ni Maravilla at dinisarmahan din ang isang security guard na nakadetalye dito.

Naniniwala si Maravilla na siya ang pakay ng mga armadong lalaki, ngunit nang hindi siya matagpuan sa kanyang bahay ay pinagbalingan ang kanyang pinsang guro.

Isinusulat ang balitang ito ay hindi pa rin nakakausap ng pamilya ang mga dumukot kay Ongchua.

Sinabi naman ng tagapangulo ng Teachers Organization of the Philippines for Public Sector Abelardo Grutas na pampitong guro na si Ongchua na dinudukot sa nakaraang apat na taon.

Nanawagan si Grutas sa mga awtoridad na ipagpatuloy ang pagbabantay sa mga guro at gawin lahat ang kanilang magagawa upang agarang mabawi ang guro mula sa kanyang mga kidnaper. Roel Pareño

Show comments