MANILA, Philippines - Hindi pa nasisimulan ng mga awtoridad ng Saudi Arabia ang pagsasagawa ng DNA test sa dalawa pang nasunog na bangkay dahil sa pagsabog na ikinasawi ng 22 tao sa Riyadh upang makuha ang kanilang pagkakakilanlan, ayon sa tagapagsalita ng Department of Foreign Affairs (DFA) ngayong Martes.
Sinabi ni Assistant Secretary Raul Hernandez na hindi pa nakikilala ng mga awtoridad ng Saudi Arabia kung alin sa dalawang bangkay ang katawan ng Pinoy na truck driver na si Florentino Santiago.
"Ang mangyayari po dalawang bangkay pa ang kailangang i-DNA test para malaman kung sino po iyon at tinitignan natin baka doon sa dalawa, isa yung si Florentino. For now, ang importante dito makagawa sila ng DNA test at makakuha ng sample para imatch ang DNA ni Florentino doon sa kanyang blood relatives," ani Hernandez sa isang panayam sa radyo.
Dagdag ni Hernandez, nagkamali ang bayaw ni Santiago sa pagtukoy sa katawan ng isa pang sunog na bangkay na kalaunan ay nalamang sa isang taga-Syria pala.
"Kasi iyong pumunta sa morge iyong kanyang bayaw, sinabi po noong bayaw na iyan nga ang bangkay ni Florentino. Pero yung ginawa iyong scientific proseso para malaman ang identification ng labi na yan, nalaman po na hindi pala iyan ang bangkay ni Florentino pero sa isang Syrian national," sabi ni Hernandez.
Kukuhanin ang DNA samples sa mga dugo ng mga kamag-anak ni Santiago na nasa Riyadh o maaring humingi ang embahada ng Saudi ng mga samples sa Maynila.
"Well, iyong sample na kukunin sa blood relative doon ni Florentino na nasa Middle East na ...maaring kunin na itong sample ng Saudi embassy dito sa Manila," the DFA spokesman said.
Sabi pa ni Hernandez, maliit ang tsansa na buhay pa si Santiago matapos sumabog ang fuel tanker.
"Mahirap po iyon sabihin kasi walang ibang information na nakakarating doon sa embahada na ganoon nga...pati iyong kanyang bayaw parang sinasabi na talagang sama doon siya doon sa nangyaring pagsabog ng fuel tanker.” Dennis Carcamo