PH lawn bowls team itataya ang korona sa Asian meet
MANILA, Philippines — Itataya ng Philippine lawn bowls team ang kanilang mga gintong medalya sa paghataw ng 16th Asian Lawn Bowls Championships sa susunod na buwan.
Sinabi ni coach at tournament director Ronalyn Redima Greenlees na handa silang ipagtanggol ang men’s pair at women’s singles gold medals.
Maumuno sa kampanya ng bansa si Rodel Labayo, ang back-to-back gold medalistsa pairs event, katambal si Elmer Abatayo.
“Gusto namin dito sa Pilipinas mag three-peat,” sabi kahapon ni Labayo sa Philippine Sportswriters Association Forum sa Rizal Memorial Sports Complex Conference Hall.
Idedepensa rin ni Rosita Bradborn ang kanyang titulo sa women’s singles na nakamit niya sa Thailand matapos ang dalawang silver-medal finishes.
“Nag-tiyaga kami ng husto sa training para manalo ulit,” wika ni Bradborn sa sesyon na inihandog ng San Miguel Corporation, PSC, Philippine Olympic Committee, Smart/PLDT, MILO at 24/7 sports app ArenaPlus.
Bukod sa Pilipinas, tatarget din ng ginto ang mga koponan ng Malaysia, Iran, Brunei, Japan, Hong Kong, Singapore, Thailand, Malaysia, Macau, South Korea at China.
Walong ginto sa singles, pairs, triples at fours (men at women) ang paglalabanan sa event na nakatakda sa Abril 27 hanggang Mayo 4 sa Clark Bowling Greens sa Clark, Pampanga.
Ayon kay Greenlees, dalawang dekada nang nilalaro ang lawn bowls sa bansa at idinaos sa 2019 Manila SEA Games kung saan wagi ang mga Pinoy ng isang gold, tatlong silver at dalawang bronze medals.
“Kilala na kami sa mundo. Dito lang sa Pilipinas hindi,” paghihinanakit ni Greenlees.
- Latest