Zombie family (373)
NAPAPIKIT si Leilani.
Daig pa ang nasa ecstacy ang pakiramdam niya nang mahawakan ang malambot na utak doon.
Ngayon alam na niya kung bakit napapatingin siya sa ulo ng mga tao. Na parang nasa loob ng mga iyon ang gustung-gusto niya.
Pinakaaasam.
Sa isang iglap din, nasalok niya lahat na nasa bao ng ulo ng janitress.
Sa sobrang gulat ng biktima, napatirik na lang ang mga mata nito.
Iglap din nang kinain ni Leilani ang lahat na laman ng kanyang mala-sandok na malalim na palad.
Hindi naman niya kailangang nguyain ang utak dahil sa sobrang lambot nito. Pero meron naman palang mga ugat pero maliliit lang, malalambot din.
Nakapikit si Leilani habang ninanamnam ang pinakagusto niyang pagkain ngayon.
Wala na pala siyang ibang gustong kainin kundi ito lang.
Parang hinigop lang niya ang utak pati na rin mga dugu-dugo. Bagsak sa sahig ng building ang janitress.
Dilat ang mga mata.
Walang dugo dahil lahat sa loob ng ulo nito ay nasa tiyan na ni Leilani.
Iba ang naging worry ni Leilani. “Mataba siya, kaya ko kayang buhatin?”
Wala man lang guilt kahit konti.
Wala man lang awa.
Sa rami na kasi ng kanyang napatay, hindi na yata tao ang tingin niya sa kanyang mga biktima.
Kundi mga pagkain na lang. Tulad ng janitress na ito, nakuha na niya sa ulo ang gusto niya.
Kung dati uubusin niya kahit buong katawan, hindi na ngayon. Wala na siyang gana pagkatapos makain ng utak.
Puro utak na lang ang gusto niya. Ang lahat na natitira sa katawan ay parang mga pagkain na walang lasa.
Discarded. Patapon na.
Hinila niya ang katawan ng janitress papunta sa maliit na stockroom. Kanina ay nakita niya ang janitress na dito kumuha ng walis at dustpan.
Kaya nagkaideya agad siya kung saan itatago ang katawan ng biktima.
Tama siya, bukas nga ang stockroom dahil napansin din naman niya kanina na hindi ito ini-lock ng janitress. ITUTULOY
- Latest