Zombie Family (357)
NASA barkong nasa ilalim ng dagat na nga si Nikolai. Wala siyang makitang Leilani.
Pero kakaiba ngayon ang kanyang pakiramdam.
Parang may nagmamasid sa kanya.
O marahil, dahil nga hindi na siya tulala, hawak na niya ang isip niya kaya nararamdaman niya ang ganito.
Pero matapang si Nikolai.
Tao man o hindi ang kalaban, haharapin niya.
May kutob siya kung sino o ano.
Nag-sign of the cross siya. Isa siyang Kristiyano. Naniniwala kay God.
Proteksiyon niya ito.
Bukod sa kanyang tapang.
“Kailangan mo bang magtago sa akin? Duwag ka pala, ano? Magpakita ka! Kung gusto mo ng laban, kahit pa ikamamatay ko, hindi kita uurungan! Satanas ka man, demonyo, gagong kung saan man nanggaling, magkaroon ka ng balls to show yourself!”
Nakakapangilabot na katahimikan.
May mga maliliit pang isda, mga ordinaryong laking isda ang makikitang lumalangoy-langoy sa loob ng barko.
Karamihan nga dumadaan pa sa harapan ni Nikolai.
Nang biglang nag-alisan ito.
Mabibilis ang paglangoy. Parang may kinatatakutan. O may iniiwasan.
Napansin agad sila ni Nikolai.
Kaya alam na niyang may magpapakita na sa kanya. Kinokontrol niya ang takot kahit tulad ng ordinaryong tao, meron din naman siya noon kahit konti lang.
Pero nang maalala niya na ilang tao na ang mga pinatay ng mga zombies dahil lang sa kawalanghiyaan ng kung sino mang makapangyarihang ito, nanaig sa kanya ang galit.
“Lumabas ka naaa! Maglaban na tayooo! Kung mapapatay mo ako, mangyayari iyon nang hinding-hindi mo makukuha ang kaluluwa ko! Pupunta ako sa pinaniniwalaan kong Diyos! Wala kang mapapala sa akin! Nagsayang ka lang ng panahon at oras pero hinding-hindi ako magpapasakop sa iyo!”
Bigla na lang bumubula ang tubig sa harapan ni Nikolai.
Parang sasabog. May puwersang gustong lumabas dito.
Pumorma si Nikolai. Sa kahit anong paraan, lalabanan niya ito.
“God, just be with me. Be with me, God. Naniniwala ako sa inyo.”
Sa laking pagkagulat ni Nikolai bigla na lang nawala ang activity sa tubig sa kanyang harapan, nawala ang pagbubula.
Itutuloy
- Latest