Sulat mula sa langit
Saan kaya tayo talaga napupunta kapag tayo ay pumanaw na? Totoo nga kayang may langit at impyerno tayong pupuntahan tulad ng sinasabi ng mga matatanda? ‘Yan marahil ang mga tanong at palaisipan na tumatakbo sa ating isipan sa tuwing nababalitaan natin na ang mga mahal natin sa buhay o malalapit sa atin ay biglaang namamaalam.
Isang babaeng hindi na nagpakilala mula Davao City ang nagbahagi ng kanyang karanasan tungkol sa kapatid na yumao.
Bata pa lamang daw sila ay mahilig nang magsulat ang kanyang kapatid na lalaki. Palagi raw nitong tangan-tangan ang kanyang typewriter para gumawa ng mga naiisip nitong tula o kuwento.
Isang gabi habang natutulog ang nasabing babae, napanaginipan niya ang kapatid. Iyak daw ito ng iyak at humihingi ng tulong.
Nagising siya nang pawis na pawis, agad niyang tinawagan ang kapatid dahil pakiramdam niya ay may masamang nangyari rito.
Hindi ito sumasagot.
Nabalitaan na lang niya sa kaibigan nito na naaksidente ito sa motor at namatay.
Hindi niya matanggap ang nangyari sa kapatid, hindi man lang daw kasi niya ito nakausap.
Habang nagmumuni-muni siya, biglang tumunog ang typewriter nito.
Akala niya ay guni-guni lang niya, pero kitang-kita niya na nagta-type itong mag-isa.
“Sobrang liwanag, wala akong makita,” sulat nito.
Hindi niya alam kung saan ito galing pero kinakabahan na siya.
Tatlong magkakasunod na araw na diumano siyang nakakatanggap ng sulat na puro ganun lang ang laman. At sa pang-apat na araw, muli na naman daw itong tumunog.
“Ate, patawarin mo ko kung hindi na ako nakapagpaalam. Ang ganda-ganda rito. kasama ko na sina lola at papa. Sobrang liwanag. ito na ata ang langit.
“’Wag ka nang malungkot, masaya na kami rito.”
Iyak ng iyak ang babae sa huling mensahe ng kapatid. Agad niyang kinuha ang typewriter at sulat nito, at itinapon na para makalimot.
hindi na rin siya muli pang nakatanggap ng sulat mula sa pumanaw na kapatid.
- Latest