Paggunita sa Ozone Disco
Taong 1996 nang pumutok ang balitang nasunog ang Ozone Disco kung saan nasa 162 katao ang natupok. Halos puro estudyante diumano ang nasa loob nito kaya naman gumuho ang mundo ng mga kaanak at magulang ng mga biktima.
Simula nang nasunog ang nasabing sayawan, sunud-sunod na ang mga kababalaghang nangyayari sa paligid nito.
Makalipas ang ilang taon, ang lugar ng Ozone ay tinayuan na ng isang establisiyimento kainan. Nabura na ang mga bakas ng nasunog na gusali, kaya akala ng lahat ay burado na rin ang mga misteryong nagaganap dito, pero nagkamali sila.
Isang gabi sa bagong tayong kainan, takang-taka ang mga staff dahil biglang buhos ang mga kumakain, halos puro estudyante rin na animo’y galing sa party. Hindi na magkanda-ugaga ang mga kusinero sa rami ng order, at ang isa pang ipinagtataka nila ay ang sobrang init na pakiramdam gayung nakatodo naman diumano ang kanilang mga aircon.
Napatingin ang kahera sa orasan, 11:35 na ng gabi, bakit ang dami pa ring costumer. Saktong nawalan ng kuryente na siyang nagpadilim ng paligid.
Gulantang ang lahat nang sa pagbukas ng ilaw ay bumungad ang mga bakanteng upuan at mesa – nawala ang lahat ng mga taong kumakain na lalong ipinagtaka nila. Nagsalita ang dalawang natirang tao sa kabilang mesa, kanina pa raw sila humihingi ng order pero busy sila na para bang napakarami nilang ini-estimang costumer gayung wala naman daw tao, sila lang ng kasama niya.
Napatulala ang kahera.
Lingid sa kanilang kaalaman, noong araw na iyon ang anibersaryo ng pagkasunog ng Ozone Disco, at 11:35pm naganap ang matinding sunog na kumitil sa napakaraming buhay. Ang mga taong kumain sa kanilang resto ay marahil ang mga kaluluwa sa Ozone na ‘di pa rin matahimik kahit 23 taon na ang nakakalipas.
- Latest