Mantsa sa sahig naghulmang mga mukha!
Taong 1971, sa tahanan ng pamilya Pereira sa Calle Real 5, Bélmez de la Moraleda, Jaén, Andalucia, Spain, napansin ni Mrs. Maria Gomez Pereira ang mga kakaibang mantsa sa sahig ng kanilang kusina. Sa paglipas ng mga araw, lumalaki ang mantsa at tila humuhugis ito ng parang mukha at ang nakagugulat pa, nag-iiba-iba rin ito ng puwesto.
Nag-umpisa nang magtaka si Mrs. Pereira kaya naman nagdesisyon siyang tanggalin na ito. Sinubukan niyang kuskusin araw-araw, pero walang nangyari. Nagpatulong na siya sa kanyang mister, pero maging ito ay walang nagawa. Naisip ng mag-asawa na tibagin na lang ang sahig at sementuhan ng panibago, pero ilang linggo lamang ang itinagal ay muling bumalik ang mga mantsang mukha. Mabilis na kumalat ang balita kaya naman naging usap-usapan na ito, hanggang sa makarating ito sa Mayor ng lugar kung saan humingi ng tulong ang pamilya Pereira. Hindi rin nagtagal nalaman na ang dahilan ng paglitaw ng mga mukha. Tinibag ang sahig, at sa lalim na sampung talampakan, may nakuhang mga kalansay, at ang iba rito ay nawawala ang mga bungo. Maingat na inilipat sa Catholic cemetery ang mga nakuhang buto at agad na binasbasan.
Sinuri ang mga ito, at ang resulta - 700 taon na ang tanda nito. Akala ng pamilya Pereira ay tapos na ang kanilang kalbaryo, pero nang masementuhang muli ang sahig ng kanilang kusina, muling bumalik ang mga mukha - at mas lalo pa itong dumami. Hindi tumigil ang kanilang kuwento, nakarating na rin ito sa iba’t ibang panig ng mundo at pinuntahan na rin ng maraming paranormal investigator, pero walang makasagot sa nasabing misteryo. Iniwanan nila ang mantsa sa loob ng tatlong buwan, naka-sealed ito nang matindi para mapatunayang walang makakagalaw dito - ang resulta, lalong dumami ang mga mukha kung saan meron nang imahe ng mga bata at mga babae.
- Latest