Pinanghihinaan ng loob
Dear Vanezza,
Isa po akong fourth year high school student.
Sa kabila ng aming buhay, sinisikap ng aking mga magulang na maigapang ako sa pag-aaral sa hangaring makaahon kami sa miserableng buhay na aming dinaranas.
Ang trabaho ng aking ama ay mamulot ng bote, dyaryo, plastic at bakal para maibenta sa junk shop. Ang nanay ko naman ay naglalabada. Dalawa lang kaming magkapatid at nangungupahan sa kubu-kubuhan sa isang squatters area. Ang kuya ko ay hindi nakatagal sa kalagayang ito kaya huminto sa pag-aaral, napasama sa pusher at ngayon ay nakakulong.
Kung minsan ay gusto ko na ring tumigil sa pagpasok at mamasukan na lang na katulong. Naaawa kasi ako sa mga magulang ko na patuloy ang pagkayod kahit may mga edad na.
Ayaw naman po nila akong patigilin sa pag-aaral dahil ako na lang daw ang nag-iisang pag-asa nila. Parang napakalayo po ng pinapangarap nila para sa akin dahil alam ko namang hindi ako makakapag-college. Naguguluhan po ako. Payuhan po ninyo ako. Maraming salamat po.
Gumagalang,
Miserableng teenager
Dear Miserableng teenager,
Hindi ka dapat panghinaan ng loob sa kasalukuyang pamumuhay ninyo. Magtiyaga ka sa pag-aaral at huwag biguin ang pangarap ng iyong mga magulang. Masuwerte ka sa pagkakaroon ng mga tulad nila na handang magsakripisyo para maigapang ang anak sa pag-aaral. Suklian mo ito para hindi ka matulad sa kuya mo. Magpakatatag at manalangin na malagpasan ang lahat ng pagsubok na dumarating sa inyong buhay. Naniniwala ako na pakikinggan ng Diyos ang mga gaya mong may mabuting kalooban.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest