Bully na estudyante, binu-bully ng buong Pilipinas!
Parang sikat na artista na pinag-uusapan ang Ateneo high school student na maliit na bata pero wagas kung makapam-bully at manakit sa mga kapwa niya estudyante.
Nakisali na rin ang mga artista sa panawagan na dapat mabigyan ng solusyon ang ginawa ng high school student sa mga kaklase nito.
Nabaligtad na ang sitwasyon dahil kung ang bagets na taekwondo expert ang malakas na mam-bully, siya na ngayon ang binu-bully ng buong Pilipinas at damay pati ang kanyang mga magulang at kapatid.
Lalong lumaki ang kontrobersya dahil ipinakita sa mga television news program ang viral video ng pananakit ng estudyante sa kanyang mga kaklase.
Kawawa ang huling biktima ng bansot na bully dahil dumugo ang kanyang mukha kaya naka-confine siya sa ospital. Sinabi ng biktima sa mga magulang niya na nasaktan siya sa paglalaro ng basketball pero lumitaw ang katotohanan nang kumalat ang video ng pambubugbog sa kanya.
Mga estudyante ng Ateneo de Manila school ang mga sangkot sa kontrobersya. Iniimbestigahan na ng mga kinauukulan ang kaso dahil kasama sila sa mga binabatikos ng mga netizen na inihihingi ng katarungan ang mga biktima ng bullying at pananakit ng estudyante na napakaliit pero overacting ang wala sa lugar na katapangan.
Yasmine napaaga ang panganganak!
Sa January 2019 pa ang due date ni Yasmine Vargas pero ipinasok na siya kahapon sa ospital dahil mapapaaga ang pagsisilang niya kay Alfredo Cristiano, ang baby boy nila ni Quezon City District V Alfred Vargas.
Mukhang mainipin na bata si Cristiano dahil hindi na niya hinintay ang buwan ng pagsisilang sa kanya. Parang gusto na niya na makasama sa Pasko ang kanyang mga magulang at kapatid.
Ang duda naman ng mga doktor ni Yasmine, mapapaaga ang panganganak nito dahil natagtag ang katawan niya sa Christmas shopping, bukod sa malaki ang sanggol sa gestational age nito.
Dasal ang hiling ni Alfred para sa ligtas na pagsisilang ni Yasmine sa kanilang baby boy.
Ang maaga na pagluluwal kay Cristiano ang best Christmas gift na matatanggap nina Yasmine at Alfred ngayong 2018.
Clint at Catriona dapat gayahin sina Megan at Mikael
Ang gayahin ang relasyon nina Megan Young at Mikael Daez ang unsolicited advice ng fans kina Miss Universe 2018 Catriona Gray at Clint Bondad.
Boyfriend na ni Megan si Mikael nang manalo siya na Miss World noong 2013 pero hindi inintriga ang love affair nila dahil low profile sila.
Noong mga panahon na ‘yon, pinanindigan ni Mikael na huwag aminin na may relasyon sila ni Megan at tama naman ang kanyang ginawa dahil tumigil ang mga tsismosa sa pang-iintriga sa kanila.
Ang tularan sina Megan at Mikael ang advice kina Catriona at Clint dahil mula nang manalo na Miss Universe ang dalaga, may mga tao na sinisimulan na ang mga pang-iintriga sa kanila kaya hindi sila dapat magpaapekto at magpatalo. Hindi dapat hayaan nina Catriona at Clint na makasira sa kanilang walong taon na relasyon ang mga katsipan na sinasabi ng mga tsismosa at intrigera.
- Latest