House of Death (174)
LAHAT ay nakikita ang liwanag mula sa langit.
“Inay, sinusundo ka na!”
“Inay, iiwan mo na kami!”
“’Nay, okay lang ... magkikita-kita rin naman ho tayo doon sa langit! Saka tiyak na maganda doon!”
“Anna, hintayin mo na lang kami doon!”
“Oo, Mario! Hihintayin ko kayo! Paalam! Benilda, salamat sa iyo! Nalulungkot lang ako kasi hindi ko kayo makakasama!”
“Anna, masaya na kami basta naroroon ka!” Naluluhang sinabi ni Benilda.
Kahit ang kanyang mga magulang, umiiyak din dahil hindi na sila makakarating sa langit.
May napansin si Anna. “Benilda! Ang daming anghel! Lima sila! Ang ibig sabihin, hindi lang ako ang sinusundo nila! Kundi pati rin kayo!”
Sumenyas ang mga anghel na lahat na kaluluwa ay sumama na sa liwanag ng langit, inalalayan pa sina Anna, Benilda at mga magulang. Saka tumaas ang liwanag, kasama ang mga anghel at ang mga kaluluwang kinuha na nila.
Tuwang-tuwa si Mario. “Pinatawad na rin pala ng Diyos sina Benilda kaya kahit nakapitong sundo na sa kanila, binigyan pa sila ng pagkakataon! Salamat at sumama sila!”
Kasabay ng pagtaas ng liwanag ay parang binugahan ng kakaibang liwanag ang buong mansiyon at bakuran. Naghiyawan ang mga maiitim na multo, kita nina Mario na parang sinusunog ang mga ito ng kidlat. Mula sa bodega ay inilipad ng napakalakas na hangin ang wheelchair at ang multong nakasakay dito, patungo sa kalawakan at doon ay nasunog.
Ang imahe ng masamang panginoon ay nasunog din, nalusaw. At mula sa kung saan ay nakita nina Mario at mga bata ang apat na rebulto ng mga anghel, dalawa na parang nagbabantay sa bakuran at dalawa na nagbabantay sa loob ng mansiyon.
Alam nina Mario ang kahulugan nito. “Mga anak, ang Diyos ang nag-alis ng lahat na mga masasama sa ating tahanan. Tama si Father Basti, magtiwala lang tayo sa Diyos Siya ang lalaban para sa atin. Isang pitik lang niya, talo ang lahat na kalaban!”
“Oho nga po, Itay! At wala nang mangyayaring masama sa atin, pinababantayan na tayo ng Diyos ng apat na anghel!”
Naging mapayapa, wala nang lagim at panganib sa loob ng mansiyon at bakuran. Si Mario at mga anak ay tahimik na sa kanilang buhay. Hindi na nakabalik sa mansiyon at bakuran ang pamilya ni Temyong dahil lumalapit pa lamang sila sa gate ng mansiyon ay namamantal na ang buong katawan nila at nasasaktan.
(ABANGAN: PANGALAWANG ANINO)
- Latest