House Of Death (173)
NAG-UUSAP ang buong pamilya sa salas ng mansiyon. Si Anna, kahit kaluluwa na’y malinaw pa ring nakikita ng kanyang asawa at mga anak.
“Kailan ka po kukunin ng liwanag at mga anghel, Inay?” Lumuluhang nagtanong ang bunso.
“Hindi ko alam. Walang sinasabing oras ang Diyos sa pagkuha ng mga napupusuan niyang manirahan sa langit.”
“Posible po kahit anong oras? Posible din po palang matagal pa?” Nabuhayan ng loob ang bunso.
Kahit kasi naipaintindi na sa kanya na ang isang kaluluwang malinis ay dapat na talagang manirahan sa langit, ang mahabang panahon pang makakasama ang ina ay nagpapasaya rin sa kanya.
“Anak, iyan ang hindi ko maipapangako. Puwedeng malapit na, puwedeng matagal pa.”
“O sige po, basta po, habang nandidito pa kayo, lagi tayong magkasama po, ha?”
“Oo naman, mga anak ko. Susulitin natin ang panahon.”
At kahit hindi naman puwedeng magdikit ang kanilang mga katawan, niyakap pa rin ni Anna ang mga anak.
Isinama na rin si Mario.
Nang bigla na lang lumitaw ang mga kaluluwa nina Benilda at mga magulang.
“Nandidito pala kayo, Benilda ...” Natutuwang sinabi ni Anna.
Maaliwalas ang mga ngiti nina Benilda at mga magulang pero nagtataka.
“Bakit kaya hindi naman namin inisip na pumunta dito pero sa isang pagkurap namin ay nandidito na kami?”
“Bakit, hindi ninyo binalak na lumapit sa amin?”
“Ang layo nga namin,e. Kasama ko ang mga magulang ko sa loob ng simbahan. Umulit kami ng paghingi ng tawad sa Diyos. At kuntento lang kami na nakaupo doon, nakatingin sa altar ... tapos bigla, para kaming nilipad ng isang puwersa at ... heto ngayon ... nandidito na kami.”
Nagulat din sina Anna at Mario.
Kinutuban si Anna.
Isang napakagandang kutob. Pero ayaw pa niyang ihayag kina Benilda dahil baka hindi totoo. Mapapahiya lang siya. Nang bigla nilang nakita ang liwanag ng langit. TATAPUSIN
- Latest