House of Death (161)
MAHIRAP kalaban ang mga maiitim na multo dahil marami sila. Pero hindi sumuko sina Anna at Benilda.
Dahil nga dalawa sila, dumoble ang lakas ng kanilang loob.
“Itay, magdasal tayo! Iyan ang tanging maitutulong natin sa kanila!” Sabi ng panganay ni Mario.
“Oo nga! Bakit ba hindi natin kaagad naalala? Mga anak, magdasal tayo nang sabay-sabay! Malakas at ‘yung may pusong dasal! Hindi p’wede ‘yung basta lang kumikibot ang bibig natin!”
Sabay-sabay ngang nagdasal sina Mario at mga anak. Taimtim. Malakas. Matapang. Puno ng tiwala.
Maya-maya ay mapapansing nanghihina ang mga maiitim na multo. Kahit mas marami sila, isang hablig o tulak lang nina Anna at Benilda ay tumba na ang mga ito. At hindi na makabangon.
Hanggang sa halos gumapang ang mga ito para lang makalayo.
Sina Mario at mga anak ay lalo namang nabuhayan ng loob. Lalo pang nilakasan ang pagdadasal.
Para kahit nasa malayo na ang mga maiitim na multo ay naririnig pa rin ng mga ito. At para silang nabibingi o nasasaktan ang buong katawan. Habang patuloy na nagdadasal si Mario at mga anak.
Hindi lang sila ang nagdadasal. Si Anna ay nakapikit na nagdadasal. Pati rin si Benilda.
“Benilda, ngayon ko lang yata nakitang lumabas ang mga maiitim na multo sa mansiyon. Sana nakita mo rin. Para may makapag-confirm na totoo ‘yung nakita ko.”
Nakiramdam si Benilda.
May nakumpirima siya.
“Anna, wala na ngang mga multong maiitim sa loob ng mansiyon. Tama ang sinabi mo. Totoo ‘yung nakita mo na lumabas nga sila sa mga bintana.”
Natuwa si Anna. “Kung ganoon ay malaya na ang mansiyon na ito sa mga maiitim na ispiritung ‘yon?” Lumapit sa bintana si Benilda.
Tinanaw niya ang buong bakuran.
“Nasa bakuran pa rin sila. Naghihintay ng pagkakataon. Siguro, nagpapalakas ng loob. Tagumpay tayo pansamantala. Napalayas natin sila dito sa mansiyon.”
“Pero ang multo sa wheelchair, nasa bodega pa rin ang wheelchair, nandodoon din siya! May pag-asa ng tagumpay pero hanggang doon pa lang.” May saya at lungkot na sinabi ni Anna.
(ITUTULOY)
- Latest