House of Death(157)
NATIGILAN si Father Basti. Ngayon niya naintindihan kung bakit akala ng attendant siya ay nagkakaroon ng hallucination.
Hindi pala nito nakikita ang babaing nakikita niya.
Saka niya naalalang isa pala siya sa mga dumadaming nakakakita na ng multo.
May third eye.
May gusto siyang malaman, kinausap niya ang multong babae. “Bakit ka nandidito? Naririto ba ang katawan mo?”
Tumango si Anna, itinuro ang isang sulok sa emergency room.
Nakiusap naman si Father Basti sa isang attendant. “Bro, puwede bang malaman kung sino ang nasa loob ng cubicle na ‘yan? P-patay ba?”
Malungkot na sumagot ang attendant. “Yes, Sir. Kani-kanina lang ho.”
“Ano ang itsura, babae ba? Maganda? Nasa late twenties?”
“Ganoon nga po, Sir. Paano po ninyo nalaman?”
“Palagay ko, nakita ko siya.”
“Po? Nakita n’yo kanina nang namatay? Wala pa nga po mga kamag-anak niya.”
“Hindi niya ako kamag-anak. Pero p’wede ko kaya siya masilip? May titiyakin lang ako.”
“Sige ho, Sir. Baka nga kakilala ninyo. Sige po, ilalapit naming stretcher ninyo doon.”
Noong bubuksan na ang kurtina ng cubicle, tensiyonado si Father Basti. Masama na kasi ang kutob niya.
Nang tuluyang malantad sa kanya ang magandang mukha ni Anna, nanlumo siya.
“Kung ganoon, ikaw nga ang namatay. May espesyal ba sa akin at sa akin ka unang nagpakita?”
Hindi iyon sinagot ng patay. Katawang pisikal lang ito na tumigil na sa paghinga. Pero ang ispiritu ay nagsalita kay Father.
“Kilala na kita, Father. Kaibigan ka na ng asawa kong si Mario. Para lang makatulong, tinalikuran mo ang sarili mong kapakanan. Bihira na lang ho ang tulad ninyo ngayon. Sana pagkatapos ninyong magamot ay magpalakas kayo nang husto ng katawan. Hindi lamang kasi multo ang lalabanan niya. Kundi pati rin mga taong tulad nina Azon at Temyong. Oo nga pala, baka lang hindi kami magkita ni Mario, pakisabi na mahal na mahal ko siya. At huwag siyang mag-alala, tutulungan ko siya.” - ITUTULOY
- Latest