Ang Misteryo sa Point Pleasant
Marami na ang misteryoso at nakakatakot na kuwento ang maririnig sa Point Pleasant sa West Virginia, USA. Ang pinakasikat na kaganapan sa nasabing lugar ay ang pagpapakita ng nilalang na tinawag nilang Mothman. Mahigit isang taon ding nagimbal at nasindak ang mga tao ng nasabing nilalang. Mahigit isang daang tao ang nakakita sa nasabing nilalang mula November 1966 hanggang December 1967. Ayon sa mga nakasaksi may taas itong 7 talampakan at may malalapad na dibdib. Nakaka-hypnotize rin daw ang mga pulang mata nito at mayroon itong mga pakpak na 10 talampakan ang haba.
Ang Mothman na ginawa nang libro at pelikula (kung saan may rebulto pa nito sa Point Pleasant), ay maraming paliwanag. Ang iba ay naniniwalang isa itong extraterrestrial na nilalang. May mga nagsasabi na mutant daw ang halimaw. Meron din namang nagsabi na kwago lamang umano ito o Sandhill crane. Pero sa anumang kadahilanan, natigil ang pagpapakita ng Mothman nang gumuho ang Silver Bridge noong December 15, 1967 na ikinamatay ng 46 katao. Sinasabing may koneksiyon ang pagguho sa pagtigil na magpakita ng nasabing nilalang.
Kayo, naniniwala ba kayo na may ganitong nilalang? O pinaniniwalaan ninyong posibleng alien ito? Kayo na ang humusga.
- Latest