Aswang Territory (32)
KAHIT nag-aalala, hinayaan na lang muna ni Avia na matulog nang tuluy-tuloy si Armani.
Bukas na lang natin ito pag-usapan, mahal ko. Ano mang pagsubok, haharapin natin. Kaya natin. Hindi tayo magigiba.
Paggising ni Armani matapos magbanyo, tulad ng nakagawian, celfone agad ang unang tiningnan.
“Text message ni Father Albert? Ang ninong kong pari? Naririto na ba siya sa Pilipinas? Wala na sa Europe?”
Binuksan at binasa ang text message.
Armani, kumusta?Naka-base na uli ako dito sa Pilipinas, sa Camiguin. Sana kung may panahon tayo, magkita naman tayo. Tumatanda na ang ninong mo. At gusto kong magkaroon ng update tungkol sa spirituality mo ngayon. Dahil bilang aking inaanak, tungkulin ko na alamin at pangalagaan ito.
Natuwa naman si Armani.
“Malapit lang dito si Father Albert. Barge lang ang sinasakyan papuntang Camiguin. At mga limang oras lang ‘yon. Siguro naman papayag si Avia na puntahan namin ang ninong ko.”
Natigilan si Armani.
Muling kinausap ang sarili. “Pero ... ano nga pala ang magiging reaksiyon ni Avia? Mga aswang sila ... ano ang tingin nila sa pari? Kaaway? Takot sila? I have to talk to Avia first about this.”
Noon din naman bumukas ang pinto at pumasok ang napakaganda at fresh na fresh na si Avia. Bagong paligo, ang bango-bangong tingnan.
“Good morning, BF!”
“Good morning, girlfriend kong ubod nang ganda!”
“Maya-maya lang, we’ll be having our breakfast. Isang napakasarap na breakfast!” Kumindat pa si Avia.
Alam na ni Armani ang ibig sabihin ni Avia. At hindi na siya takot sa isang “masarap na breakfast.”
Pareho silang napapormal.
“Avia, may sasabihin nga pala ako sa ‘yo.”
“At may itatanong din ako. Sige, Armani ... ikaw muna. Ano ‘yung sasabihin mo sa akin?”
“Nag-text message sa akin ang ninong kong pari. Sampung taon siya sa Europe, ngayon naririto na siya sa Pilipinas. Can we see him? Sa Camiguin lang naman.” Itutuloy
- Latest