Nanking Beef Braised Noodles ng North Park, Hindi ka Bibitinin
Isa pa sa mga kainang nagiging paborito na ng mga Pinoy at Filipino-Chinese ang North Park Noodles. Originally, itinayo itong noodle house pero sa ngayon ay nagsi-serve na rin sila ng mga iba’t ibang putaheng Tsinoy.
Bukod sa masasabing sulit, malalaki ang serving nila at halos good for sharing. Ang ating rerebyuhin ngayon ay ang kanilang Nanking Beef Braised Noodles (Dry). Dry ito dahil walang sabaw at parang pancit. Ang maganda sa North Park, maaari kang mamili mula sa anim na tipo ng noodles na gusto mo.
Ayon sa server na napagtanungan namin, bagay ang Nanking Beef sa Hong Kong style noodles kaya’t ito ang in-order namin. Medyo maghihintay ka lang at saka lang sila gumagawa ‘pag may order na. Pero sulit ang paghihintay dahil nagulat kami sa laki ng serving nang dumating ang aming order. Maaari itong paghatian ng tatlong tao kung may iba pang order. Pero kaya rin namang ubusin ng dalawa kung ito lang ang kakainin.
Sa halagang P203, sulit sa rami ang noodles na may generous amount ng baka, at ilang piraso ng Chinese cabbage.
Malalaki ang hiwa ng karne na babad na babad sa special sauce. Saktung sakto ang pagkakaluto ng baka, hindi ito matigas at hindi rin malambot na malambot. Manamis-namis ang sauce na may lasang hawig sa pares.
Bagay naman ang medyo matapang na lasa ng Chinese cabbage at sakto lang talaga ang Hong Kong style noodles sa putaheng ito. Nagtatalo ang alat ng noodles sa tamis at linamnam ng braised beef at medyo pait ng Chinese cabbage. Perfect ito na pangmeryenda o kaya’y side dish.
Para sa mura at masarap na authentic Tsinoy noodles, subukan ang Nanking Beef Braised Noodles ng North Park dahil siguradong hindi ka mabibitin. Buuuuurp na burp!
Para sa mga katanungan at suhestiyon maaaring mag-email sa [email protected].
- Latest