Vietnamese Humihingi ng Gabay sa Kanilang mga Ninuno
Ang pagiging malapit sa pamilya ay isa sa mga katangian ng mga Vietnamese. Ang kanilang buhay ay umiikot sa kanilang pamilya.
Karaniwang makikita sa iisang bahay pa rin nakatira ang mga anak kasama ang kanilang mga magulang kahit bumuo na sila ng kanilang sariling pamilya. Umaabot pa nga sa tatlong henerasyon ng pamilya ang magkakasama sa iisang bubong lamang. Ganito sila ka-close sa isa’t isa.
Sa Confucian tradition, ang tatay ang siyang ulo ng pamilya at responsibilidad niya ang magbigay ng kakainin, tirahan at damit at gumawa ng mga importanteng desisyon.
Sa nasabi pa ring tradisyon, naniniwala sila na nananatiling buhay ang espiritu ng taong namatay at nasa paligid-ligid lang.
Ang kanilang mga ninuno ay sinasamba pa rin nila upang mapaboran ang kanilang pamumuhay sa kasalukuyan. Humihingi sila ng gabay sa mga ito sa kanilang mga desisyon sa buhay lalo na sa mga okasyon tulad ng birthday at kasal.
Inaalala nila ang mga yumaong kaanak sa pamamagitan ng mga seremonyas at selebrasyon sa araw ng kanilang pagpanaw. Inaalala rin sila sa mga piyesta tulad ng lunar festivals.
- Latest