Tumigil sa pag-aaral para makipag-live-in
Dear Vanezza,
Tawagin nyo na lang po akong Aryan, 16. Tumigil po ako sa pag-aaral dahil nakipag-live-in ako sa boyfriend ko. Pinalayas po ako ng aking mga magulang. Estudyante rin ang bf ko at nakatira kami sa kanila. Hindi sila mayaman at laging naaaburido ang kanyang nanay at pinariringgan ako madalas na parang pabigat ako sa kanila. Ang bf ko naman ay walang trabaho at natigil din sa pag-aaral. Mayroon silang maliit na karinderya at kaming dalawa ang pinagbabantay. Nagsisisi ako ngayon. Na-realize ko na walang kahihinatnan ang aming pagsasama. Limang buwan na kami at pasalamat ako na hindi pa ako nabubuntis. Gusto ko na pong tapusin ang aming relasyon. Tama po ba ito?
Dear Aryan,
Tama ang kasabihan na “experience is the best teacher”. Ibinibigay muna ang mahirap na pagsusulit bago ka matuto. Sa kaso mo, kinailangan pang sumuot ka sa ganyang buhay bago mo malaman na mali pala ang ginawa mo na iyong pinagsisisihan. Hindi na puwedeng burahin ang nangyari na pero maaari mong iayos ang iyong buhay. Tama ang balak mo kung tatapusin mo na ang relasyon mo sa iyong kinakasama. Mag-usap kayo at magbalik ka sa iyong mga magulang at sabihin ang iyong matinding pagsisisi.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest