Lechon Kawali ng Luyong, nakakaadik sa sarap!
Hindi lang sa sapatos kilala ang shoe capital ng bansa na Marikina City. Kilala rin ito sa nagkalat na masasarap na kainan.
Parte na rin ng panlasang Pinoy ang mga Chinese na lutuin kaya marami na rin ang nagsulputang Chinese restaurant.
Ang rerebyuhin natin ngayon ay ang lechon kawali ng Luyong restaurant. Ang Luyong ang isa sa mga pinakasikat na restaurant sa Marikina. Nagsimulang magpasaya ng mga customer ang nasabing restaurant taong 1950’s pa. Isa rin ito sa mga paboritong kainan hindi lang ng mga taga-Marikina kundi nga mga taga-karatig bayan. Fan na fan nga ang tatay ko ng restaurant na ito, at laging bida ‘pag Chinese food ang pinag-uusapan. Kailan lang nasubukan ng inyong lingkod ang makakain minsan isang gabi kaming ginutom. Halos katapat lang ng isang branch ng Luyong ang branch ng Tapsi Ni Vivian sa may Gil Fernando Ave. at malapit sa Marcos Hiway kaya madaling makita at puntahan.
Medyo madilim at malungkot ang aura pagkapasok namin sa restaurant. Biyernes ng alas-otso ng gabi kami nagpunta pero halos puno pa rin ang kainan. Parang napaglipasan ng panahon ang disenyo ng branch na ito pero tumuloy pa rin kami sa pag-order dahil gutom na kami at gusto naming subukan ang matagal nang ipinagmamalaki ng aking tatay.
Nag-order kami ng Pancit Canton na nagkakahalaga ng P155, Lechon Kawali sa halagang P190, Brocolli with Beef na nagkakahala ng P200, at Yang Chow fried rice (small) na P95 lang. Nang dumating ang aming order ay nagulat kami sa rami nito. Halos good for 3-4 persons ang serving ng bawat putahe nila. Ang small order naman ng fried rice ay good for 2-3. Murang-mura at talagang hindi masakit sa bulsa.
Amoy pa lang ay katakam-takam na at nakapaglalaway. Ang rerebyuhin nating lechon kawali ay may kasamang special sauce. Hindi ito tulad ng mga sarsa na Mang Tomas na gawa sa atay. Medyo light ang sauce nito na parang pang-Lumpiang Shanghai pero mas dark ang kulay. Matamis ang lasa nito kaya mas gusto kong isawsaw ang lechon kawali sa toyo’t kalamansi na may sili!
Kapansin-pansin na halos pantay ang dami ng laman sa taba at balat ng kanilang isang serving. ‘Di tulad ng iba na mas maraming laman, o kaya naman ay taba. Hindi rin masyadong tostado ang laman pero ang balat ay malutong at tostado ang pagkakaluto kaya naman napakasarap kainin. Sa lasa naman, parang sadyang hindi nila ito binudburan ng asin at talagang malalasahan mo ang karne. Ang amoy at lasa pati ang lutong ng balat ay perpektung-perpekto sa pagkakaluto. Ito na ang paborito kong lechon kawali ngayon!
Matatagpuan ang Luyong restaurant sa 21 Gil Fernando Ave. (formerly A. Tuazon Ave), Marikina City. Bukas sila Lunes hanggang Linggo mula 10:30 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon, at 4:30 ng hapon hanggang alas-10 ng gabi.
Para sa mga katanungan at suhestiyon maaaring mag-email sa [email protected]. Burp!
- Latest