Nakulong dahil sa barkada
Dear Vanezza,
Ako po si Gani, 30 years old. Noon pong ako ay hindi pa nakukulong, isa akong suwail na anak na kagustuhan ko lang ang nasusunod at hindi alintana ang payo ng mga magulang. Ang akala ko noon, hinahadlangan nila ang aking kalayaan. Ngayon ay lubos ko ng nauunawaan na ang mga tagubilin nila ay para lang sa aking kabutihan. Noon, ang mga barkada ko lang ang mahalaga sa akin. Ang akala ko noon, sila ang makapagbibigay sa akin ng kaligayahan habang buhay. Nagkamali pala ako dahil dumating ang araw na ang mga barkada ko palang ito ang magiging dahilan para ako makulong sa isang kasalanang hindi ko ginawa. Kung sinunod ko lang ang mga magulang ko, wala ako ngayon sa lugar na ito na libingan ng mga buhay. Wala na akong magawa kundi ang tanggapin at harapin ang pagsubok na ito sa aking buhay.
Dear Gani,
Sadyang nare-realize lang ang kasalanang nagawa kung tapos na ang isang insidente na naglalagay sa isang tao sa kapahamakan at malaking problema. Lagi mo sanang tandaan na walang taong maghahangad ng kapakanan mo kundi ang miyembro ng iyong pamilya lalo na ang mga magulang. Pero nangyari na ang masaklap na kabanata ng iyong buhay. Ang mahalaga, nakilala mo ang kabutihan ng pagiging masunuring anak at ang tunay na pagmamahal sa iyo ng mga magulang. Ang importante, nagsisisi ka na at ipinangangakong hindi mo na sila ipagpapalit kaninuman. Makabubuting piliin mo na ang mga taong pagtitiwalaan at matuto sa nangyari sa buhay mo.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest