Island of the undead (64)
ANG PINAGMULAN NG MGA UNDEAD.
Mahigit tatlong taon na ang nagdaan.
Ang dating islang may pangalang Awitan. Napakaganda. Sariwang hangin, malinaw na dagat, saganang gubat.
Ang mga tao na humigit-kumulang lamang sa limang daan ay masayang namumuhay. Kuntento.
Pero isang araw ay nadalaw sila ng mga dayuhan. Mapuputi, matatangkad. At mahilig sa mga mamahaling alahas. May mga makabago ring kagamitan at mga damit na pangmaharlika.
Natutong mainggit ang mga tao sa isla.
“Ang gaganda ng mga alahas ng mga babae nila. Gusto kong makapagsuot nang ganoon sa mga kamay at teynga ko.”
“Mas gusto ko ang mga damit na kumikislap. Kahit maiitim tayo, kapag suot natin ang mga ganoong damit, walang hindi makakapansin sa atin.”
Ang mga kalalakihan ay naiinggit naman sa mga armas ng mga dayuhan.
“Ibang klase ang kanilang mga punyal at espada. Yari sa ginto.”
“Pag-alis nila, mas matutuwa ako kung iiwan nila sa atin ang mga armas nila.”
“Hindi nila gagawin ‘yan. Dahil mahal na mahal nila ang mga gamit nila. Para lang silang pumunta rito para inggitin tayo.”
“Nagpapasarap naman sila dito sa ating isla. Hindi sapat ‘yung binibigay nila sa ating pagkain at pera. Kunin natin ang lahat sa kanila!” Isang likas na sakim, ang lalaking si Krogo ang nagturo ng kasamaan sa kanyang mga ka-isla.
“May mga armas sila. Lalaban ang mga kalalakihan. Wala tayong panalo.”
Ngumisi si Krogo. “Talagang walang panalo kung lalaban tayo ng parehas at harapan. Habang natutulog sila, saka natin sila patayin para makuha natin ang lahat na gusto nating kunin.”
Nagkatinginan ang lahat. Payag sila sa masamang ideya ni Krogo. Hindi nila kayang hanggang sa inggit na lamang sila.
Patraydor ngang pinatay ang mga dayuhan. Pero ang kanilang lider bago mamatay sa apat na saksak sa katawan ay nagawang isumpa ang lahat na tao sa isla.
“Maaagnas ang inyong mga laman, kakainin ng mga insekto. Pero hindi kayo mamamatay. Dahil kahit ang kamatayan ay galit sa inyoooo! (Itutuloy)
- Latest