Fortune cookies hindi nanggaling sa Tsina
Sino ba ang hindi mahilig sa mga hula-hula, kapalaran, at pampasuwerte? Eh paano pa kaya kung ito’y nasa isang pagkain tulad ng fortune cookie? Aba, eh hindi ka na tatanggi kahit alam mong minsan ay hindi naman totoo ang mga nakasulat na mensahe rito.
Pero alam mo ba na hindi nagmula sa bansang Tsina ang isa sa mga inihahain sa mga Chinese na kainan? Mula ito sa bansang Amerika. Nagulat ka ano?
Tama, Amerikano ang fortune cookie. Isa lang ang klaro, ito’y mula sa California pero magpahanggang ngayon ay hindi pa rin alam kung sino, kailan, at saan mismo sa California nagsimula ang fortune cookies.
Ayon sa isang istorya, ang Chinese immigrant na nakatira sa Los Angeles at founder ng Hong Kong Noodle Company na si David Jung ang nakaimbento nito noong 1918. Dahil sa pag-aalala sa mga gumagalang mahihirap sa harap ng kanyang tindahan, gumawa siya ng cookie at ipinamigay ito ng libre. Ang bawat cookie ay naglalaman ng piraso ng papel na may inspirational Bible Scripture na ipinasulat niya sa isang Presbyterian minister.
Sa isang istorya naman, naimbento raw ito sa San Francisco ng isang Japanese immigrant na nagngangalang Makoto Hagiwara. Siya ay isang hardinero na nagdisenyo ng sikat na Japanese Tea Garden sa Golden Gate Park.
Tinanggal siya sa trabaho ng isang anti-Japanese mayor pero ibinalik din sa puwesto matapos mapalitan ng bago ang nasabing mayor. Dahil sa kanyang pasasalamat sa mga taong tumulong sa kanya sa mga panahong naghihirap siya, gumawa siya ng cookie noong 1914 na naglalaman ng thank you note. Ipinamigay niya ito sa Japanese Tea Garden hanggang sa regular na niya itong inihahain.
Noong 1915, napasama sa Panama-Pacific Exhibition sa San Francisco world fair ang nasabing fortune cookies.
Nakakaloka ‘di ba? Pinag-aawayan pa rin kung sino ba talaga sa kanila ang totoong nakaimbento nito.
Nag-evolve na rin ang mga mensahe na nakapaloob sa fortune cookies sa kasalukuyan, kung dati ay mga Biblical verses, mga kataga mula kina Confucius, Aesop, at Ben Franklin ang mababasa, ngayon ay may numero na para sa lotto, smiley faces, mga joke, at payo sa buhay. Sa ngayon, nauuso na rin ang pamimigay ng fortune cookies sa birthday parties o kaya sa kasalan na talaga namang hindi pa rin pinagsasawaan.
Kayo, naniniwala pa ba kayo sa mensahe ng fortune cookies? Basta ako, enjoy sa mismong cookie, kesehodang wala itong lamang fortune sa loob. He he he. Burp! Reference: www.infoplease.com
- Latest