Tamad ang asawa
Dear Vanezza,
Dalawang taon na kaming kasal ng aking asawa na walang trabaho at sa tingin ko’y walang balak magtrabaho. Sa madali’t salita, isa po siyang tamad. Mabuti na lang at wala kaming anak hanggang ngayon. May maliit na tindahan ang pamilya ko at doon lang kami umaasa ng aming kakainin sa araw-araw. Nakatira kami sa bahay ng aking mga magulang. Dalawa lang kaming magkapatid at nakahiwalay na ng tirahan yung ate ko kaya pinatira na kami doon ng aking mga magulang. Pero parang manhid ang asawa ko sa mga parinig ng magulang ko na naiinis na rin sa kanyang katamaran. Mas gusto niyang magbantay ng tindahan habang pasiga-sigarilyo. Ang problema, ang sigarilyo niya at meryenda ay kinukuha pa sa tindahan kaya lalong naiinis sa kanya ang mga magulang ko. May nanliligaw sa akin ngayon. Alam niya ang katayuan ko at sabi niya hahanguin niya ako sa problema ko. Mayaman ang lalaking ito at parang gusto ko nang bumigay at patangay sa tukso. Anong gagawin ko? - Yeng
Dear Yeng,
Kung ang dahilan ng pagsama mo sa ibang lalaki ay upang madispatsa ang iyong asawa na sabi mo’y tamad, huwag mong gawin at baka ikaw ay lumulundag mula sa kawali patungo sa apoy. Tamad man o iresponsable, asawa mo pa rin siya. Mag-usap kayong mabuti at kumbinsihin siyang magbago. Kung wala pa ring epekto, pormal kang makipaghiwalay. Ang katamaran at iresponsibilidad ay isang matibay na ground for annulment. Ang pakikipaghiwalay ay ang pinakahu-ling hakbang na maaari mong gawin. Pero bago iyan, sikapin mong maisalba ang inyong pagsasama.
- Latest