Island of the undead 18
NAKIKITA ni Blizzard na nahihirapan si Miley sa pagbubuhat ng isang timbang mabahong tubig.
“Miley, kaya kong buhatin ang dalawa. Ako na.”
“Mabigat na nga ang isa, dadalawahin mo pa ang sa ‘yo?” Ayaw ibigay ni Miley ang buhat na tubig.
“Please, sa ibang bagay lang naman mahina itong boyfriend mo. Sa pagbubuhat, malakas ako. Hindi naman ako lampa, may muscles ako, hindi ako tabang-lamig.” Naninindigan ang young man, gusto namang mapatunayan na siya pa rin ang lalaki.
Natuwa naman si Miley sa ipinakitang pagkamaginoo ng mahal niya. “Sige na nga. And thank you, Blizzard. I know you love me.”
“I do. Lalo na ngayon. Mamatay man o mabuhay, walang iwanan. Magkasama tayo.” At dalawa na nga ang binubuhat na timba ni Blizzard.
Nakita ito ng mga bantay na undead, nagkatinginan sila.
Mukhang hindi nila nagustuhan na ang isa sa mga taong alipin ay walang kahirap-hirap.
Nagsenyasan ang mga ito, nagtanguan.
Saka hinarap si Miley at itinuro ang mga walang lamang timba sa isang tabi.
“Kuha ka dalawa! Lagay ng tubig! Buhat sa shower room!”
Nabigla si Miley.
Nagalit si Blizzard, pabagsak na ibinaba ang dalawang timba. “Ano? Ayoko ngang mahirapan ang mahal ko kaya kinuha ko ang buhat-buhat niya, paiigibin at pabubuhatin n’yo naman pala siya ng dalawa?”
Lumapit kaagad ang apat na undead kay Blizzard sabay umang ng mga nakakatakot na sandata.
“Ang alipin na gustong sumuway, pwede naming patayin kahit hindi muna ipaalam sa reyna!” Sabi ng isang undead.
“Huwag! Oo, mag-iigib na uli ako ng dalawa!” Humarang agad si Miley sa harapan ng nobyo.
“Blizzard ... sunod na lang tayo. Huwag ka nang umangal. Basta tandaan natin, dodoblehin nila ang pahirap kapag hindi tayo sumusunod hanggang sa maliit na details.”
Nagtagis na lang ang mga ngipin ni Blizzard. Kung pwede nga lang ba niyang patayin ang mga patay na buhay na ito.
Maya-maya pa, ang dalawang magnobyo ay pareho nang tigdadalawang timba na may tubig ang buhat-buhat.
SA MAYNILA, ang mga mayayamang magulang ng dalawang kabataan ay panic nang nagkukumperensya. Hindi pa natatagpuan ang mga bangkay nina Miley at Blizzard ng mga rescuers, ibig bang sabihin buhay pa ang mga ito?”
- Latest