Hindi makapamili ng pakakasalan
Dear Vanezza,
Itago n’yo na lang ako sa pangalang Ike, 29 years old, binata at nagpaplanong mag-asawa na sa susunod na taon. Meron po akong nililigawang dalawang babae, isa ay professional at isa ay salesladay. Kababata ko at matagal ko ng kaibigan ‘yung huli. Samantalang ‘yung isa ay nakilala ko mga 2 years pa lang. Parehas ko po silang mahal at ngayon po ay nahihirapan akong pumili kung sino sa kanila ang ipupursige ko na ligawan at yayaing magpakasal. Masaya po silang kasama at batid ko po na naghihintay sila sa akin ng move. Humingi na po ako ng payo sa aking mga magulang at kaibigan pero hati rin po, may pumapabor po sa bawat isa. Ngayon po ay dinaraan ko sa dasal na sana ay bigyan ako ng “sign” kung sino po sa kanila ang nararapat sa akin. Sana po ay may maibahagi rin kayong payo sa akin. Salamat po.
Dear Ike,
Bakit hindi mo daanin ang dalawang babae sa pagsubok? Halimbawa, mayroon kang malaking problema sa pera at kailangang-kailangan mo ito para mabayaran ang matagal mo nang pagkakautang. Tingnan mo kung ano ang gagawin nila para matulungan ka. Halimbawa lang naman ito pero puwede kang mag-imbento ng sarili mong sitwasyon. O kaya’y mayroon kang sakit at kailangan mong tumigil sa pagtatrabaho. Maaari mo rin naman sila layuan pansamantala. Kung sino ang mas hahanapin mo sa trial separation, iyon ang mas mahal mo. Hindi ba mas magandang mas mahal mo ang babaeng gusto mong pakasalan para hindi ka magsisi sa dakong huli.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest