Kumapit sa patalim

Dear Vanezza,

Mula po ako sa mahirap na pamilya. Hindi po ako nakatapos ng pag-aaral dahil sa kahirapan kaya hindi naging madali para sa akin ang makahanap ng trabaho at makatulong sa a­king pamilya. Dumating sa akin ang panahong gipit na gipit ako at may sakit ang mahal kong lolo at kailangan ang pera pambili ng gamot at operasyon. Gulung-gulo ang aking isip at hindi ko alam ang gagawin kaya kumapit ako sa patalim. Pinasok ko ang bahay ng isang negos­yante at ninakaw ko lahat ng pera at alahas nila. Pero nagising ang may-ari ng bahay at nanlaban. Sa hindi inaasahan ay napatay ko siya at tumakas ako at nagtago. Palihim kong ipinadala sa lolo ko ang pera na kailangan niya para sa operasyon. Hindi nagtagal ay nahuli din ako ng mga pulis. Pero hindi na nila nabawi ang mga alahas at pera. Nahatulan po ako na makulong pero nakalaya na rin noong 2001. Pero hanggang ngayon ay naiisip ko pa rin ang ginawa ko. - Tsong

 

Dear Tsong,

Ang kahirapan ng isang tao ay hindi sapat na dahilan para makagawa ng isang malaking pagkakasala lalo na’t ang taong inutang mo ang buhay ay nagsimula rin sa wala at kung mayroon man siyang naipong pera, ito ay nagmula sa puspusang pagsisikap at pagtatrabaho. Maganda ang simulain mo sa pagnanais na maipagamot ang maysakit na lolo. Pero ang pamamaraang ginamit mo ay mali kaya nanaig ang batas ng katarungan. Makabubu­ting humingi ka ng tawad sa pamilyang inagawan mo ng isang ama. Bagaman sinabi mong humingi ka na ng tawad sa Dios, kailangan mo pa ring humingi ng tawad sa pamilyang pinagkasalahan mo upang mas gumaan ang dinadala mo sa iyong konsensiya. Nawa’y matagpuan mo na ang kapa­yapaan sa iyong puso.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments