Sandaang mumunting halimaw (46)
SI PAENG, ang pinsan ni Miggy, noong nasa elementary school, ay paborito ang pagtatabas ng damo sa palibot ng paaralan.
Ngayo’y excited si Paeng dahil ibang klase ng ‘damo’ ang tatabasin niya.
“Yari ngayon ang mga halimaw mo, Miggy! Uubusin ko sila!” Kumpiyansa si Paeng dahil protektado siya ng costume ng astronaut.
Kumpletong may headgear ito o saklob sa ulo. Hindi rin siya basta makakagat ng mumunting halimaw ni Miggy dahil nga mula ulo hanggang paa ang kanyang proteksiyon.
“It’s killing time!” sabi ng medyo mayabang na Paeng. Pinahiga niya si Miggy sa mahabang bangko, binilinang huwag gagalaw.
Saglit pa’y nagtatabas na siya.
TSAP. TSAP. TSAP. TSAP. TSAP. Merong hugong sa hangin ang pagtatabas ni Paeng.
Pero yanig pati kaluluwa ng medyo mayabang na lalaki . Kasi’y wala siyang nahagip na halimaw. Ang limang ulit na hablig niya ng karit ay sa hangin tumama.
“Anak ng tipaklong! Whaa happen?” sabi ni Paeng sa carabao English. “Nabokya ako!?”
Maging si Miggy ay takang-taka. Masyado na bang naging mata=talino ang 95 na lamang na halimaw?
Hindi na ba papayag ang mga ito na mabawasan pa?
Pero buo ang loob ni Paeng. “Nagkamali lang ako ng hablig, pinsang Miggy. Take two!”
Inulit ni Paeng ang pagtatabas ng mumunting halimaw ni Miggy. Sa pagkakataong ito, higit ang kanyang konsentrasyon.
TSAPATSAP-TSAP-TSAPATSAP-TSAP.
Meron siyang nahagip ng karit, pero hindi mumunting halimaw. Ang inosenteng indoor plant na nasa ulunan ni Miggy.
Bumagsak ito, putol ang ilang dahon. KRALAAG-LAGG-LAGG.
Super-bigo, super-ngitngit na si Paeng. Napasigaw na tuloy sa tindi ng kunsumisyon. “AAAAAHHH!”
Wala sa loob na inalis ang saklob sa ulo. Itinapon sa sahig.
Iyon ang pagkakamali ni Paeng. Bago pa niya namalayan, natuklaw na siya ng mumunting halimaw ni Miggy. (Itutuloy)
- Latest