Sandaang halimaw 28
HIGIT pa sa bangungot ang hitsura ni Burdugul matapos itong ma-bazooka ng puwersang nasa helicopter.
Nabiyak ang ulo ng mala-gorilyang halimaw, nakalaylay sa mga balikat na parang biniyak na buko.
“EEEEEE!” hiyaw ng mga tao laluna ng kababaihan. Kaydami ang nasuka; hindi iilan ang nagpalahaw ng iyak sa magkahalong habag at takot.
Sumuray-suray si Burdugul, hindi na malaman kung saan tatakbo, hindi na kasi naka-focus ang magkahiwalay na mga mata.
Nanawagan ang nasa helicopter, gamit ang public address system. “MAGSILAYO PO ANG MGA TAO! TATAPUSIN NA PO NAMIN ANG HALIMAW!”
Takbuhan sa safe places ang mga tao.
Naiwan si Burdugul na susuray-suray pa rin sa gitna ng kalyeng malapad, umaatungal. AAIYIII! AIYYIII!
SA TAGONG batis sa gubat, si Shirya ay napaluha sa habag kay Burdugul, alam nang bilang na ang oras nito.
Muling bumuga ang bazooka. KABLOOOM!
Sapol na sapol ang katawan ni Burdugul. Nagkapira-piraso iyon, tumalsik sa itaas, sa kaliwa at sa kanan; sa lahat ng direksiyon.
Parang umulan ng malulutong na tsitsaron! Umabot sa pabilog na sukat na katumbas ng isang kilometro.
Clueless si Mang Juan, isinahod pa ang pinggan sa inaakalang ‘manna from heaven’.
Kaydaming nasahod ang kanyang pinggang losa. Lumikha ng tunog. KLANG-KLANG-KLANG.
Hindi na nagdalawang isip si Mang Juan, kinain agad ang akala’y biyaya ng Kalangitan. NGASABB. NGUYYAA. KAGGATT.
Nakigaya kay Mang Juan ang mga kapitbahay. Kanya-kanyang pangsahod.
Hindi nagtagal ay kumakain na rin sila ng malulutong na tsitsaron—mula sa nagkapira-pirasong mala-gorilyang nilikha.
IYON pala ang simula ng trahedya. Lahat ng nakakain sa ‘tsitsaron’ ay nalason. Merong mga namatay na elderly.
Kaydaming mga bata ang naisugod pa sa ospital. Ewan kung mabubuhay ang mga paslit.
(ITUTULOY)
- Latest