Patay na ako, Mahal (49)
DALAWANG damdamin ang pantay na naghahari sa dibdib at puso ni Avery. Siya ay tuwang-tuwa na siya pala ay hindi patay; nakita siya ng manong sepulturero dahil siya ay BUHAY.
Pero si Avery ay naliligalig para kay Russell. Hindi niya alam kung ito’y nabuhay sa OR ng ospital.
Nagbalik siya sa musoleyo at naligo. Sa unang pagkakataon sa mga nagdaang buwan, ngayon lang niya na-enjoy ang hot shower ng musoleyo.
Nagbihis siya ng damit na bulaklakan, green and red ang dominanteng kulay ng bestida. Babaing-babae siya sa suot, malayo sa dati niyang anyong mukhang walking dead.
Naalala niya si Tacing. Ilang araw na itong hindi dumarating. Binawalan ba ng kanyang malupit na Tita Soledad?
Walang kaalam-alam si Avery na nagdurusa na sa impiyerno ang napakasamang tiyahin. Nang mabigo si Satanas dahil siya ay hindi nagpatiwakal kinabukasan. Dinala na rin nito si Soledad sa impiyerno.
Lumabas siya ng musoleyo na feeling fresh. Sinalubong siya ng mumunting paruparo. Isang maya ang masiglang dumapo sa kanyang balikat. Twit-twit-twiit.
Laganap na ang liwanag ng bagong umaga. Naghahatid ng kapayapaan kay Avery ang paligid.
“Hi, miss! Ang ganda-ganda mo naman pati dress mo!” bati kay Avery ng isang dumadalaw sa memorial park. Halatang kikay ang babaing medyo overweight. “Saan mo ba binili ‘yan? Hi-hi-hi.”
“Kuwan, sa ukay-ukay sa Divisoria. Two-years na ‘to.” Nakangiti si Avery, nae-enjoy niya ang pakikipag-ugnay sa kapwa niya buhay.
Naglakad siya papunta sa gate. Plano niyang umuwi ng bahay.
Natanaw niya ang taong bumaba sa taxi. Paika-ika itong palapit sa kanya, galak na galak. “Avery, oh my God! Akala ko’y di na tayo magkikita!”
Si Russell, ang lalaking una at huling pag-ibig ni Avery. Nakahinga nang maluwag ang dalaga.
Nagyakap sila, buong higpit. “BUHAY tayong pareho, Russ”. WAKAS
(Up Next: Sandaang Mumunting Halimaw)
- Latest