Patay na ako, Mahal (42)
PATAY-SINDI ang ilaw na pula sa itaas ng pinto ng OR, ibig sabihi’y nasa bingit na nga ng kamatayan si Russell.
Napahagulhol na si Avery, hindi matanggap na papanaw sa mundo ang mahal; iiwan siya sa maligalig niyang kalagayan.
“Oh my God! Huwag Mo po namang kunin ang aking mahal! Hu-hu-hu!”
“Gagah! Mali ang dialogue mo! Dahfat, ‘Lord, give me a new lover’!”
“Tumigil ka, Annie! Hindi ko papalitan sa puso ko si Russell!”
Umarko ang kilay ng bakla. “Bahala kah.”
“Annie, sabihin mo kung paano ako makakapasok sa OR. Kailangan kong makapiling si Russell bago siya...”
“Isipin mong ispiritu ka, Avery! Ispiritung kayang maglagos sa anumang dingding! Nagawa ko na ‘yon nang silipan ko ang mga boys sa banyo!”
“Nakakasuklam ang kahalayan mo, Annie! Pero salamat sa tip—magiging spirit akong lulusot sa OR.”
Sa mismong panggigilalas ni Avery, nakalusot nga siya sa wall ng OR. Nakita agad niya sa operating table si Russell.
“Oh my God, Russell,” bulong ni Avery sa sarili. Nakikita niya si Russell na agaw-buhay na nga.
“Hu-hu-hu-hu.” Hindi niya napigil ang impit na pag-iyak.
At ang patuloy na pagtawag sa Diyos. “Spare the life of Russell, Lord. Utang na loob po. Buhayin Mo siya.”
Bubug-bubog ang pawis ng mga duktor kahit pa todo ang aircon sa OR. Halos gahibla na lang ang hinahabol nilang buhay ng batambata pang binata. Nanghihinayang sila kung ito’y mamamatay na.
Binulungan ni Avery si Russell. “Mahal, laban...laban...”
Hindi namamalayan ng sinuman sa OR ang presensiya ng dalagang ispiritu.
Pero namalayan siya ni Russell. Kumislot ang binata.
Napalunok ang mga duktor. Ito na ba ang huling hininga ng pasyante?
“Doc, ang monitor!” sigaw ng nars.
Mula sa halos flatline ay tumaas ang linya ng buhay ni Russell.
“He’s gaining ground! Gusto talagang mabuhay!” sabi ng duktor.
Napaluha si Avery, nakakita ng pag-asa. (ITUTULOY)
- Latest