Kapusukan
Dear Vanezza,
Tawagin nyo po akong Otis, 23 years old na po ako ngayon. Nang ako’y 19-anyos pa lang, nagkaroon ako ng gf. Bata siya sa akin ng dalawang taon. Palibhasa’y mga bata pa kami at padalus-dalos, nakuha ko ang pagkadalaga ng aking gf. Nabuntis ko siya. Natakot kami pareho. Nagtanung-tanong ako at dinala ko siya sa isang abortionist. Inilaglag namin ang sanggol. Pero matapos ang dalawang linggo, nilagnat ang gf ko. Hindi ito gumaling hanggang sa siya’y mamatay. Mahirap lang sila at nakatira sa squatters area kaya hindi na naipadoktor ang gf ko. Naging lihim ang dahilan ng kamatayan niya na walang nakaaalam kundi ako. Tatlong taon na ang nakalilipas pero dala-dala ko pa rin ang sumbat ng budhi. Sana’y magsilbing aral ang kasaysayan ko sa ibang kabataan.
Dear Otis,
Mabigat talagang pasanin ng kunsensiya mo ang nangyari. Humingi ka ng tawad sa Diyos at mangakong hindi na uulit para gumaan ang iyong dinadala sa dibdib. Totoong maraming kabataan ang tulad mo, masyadong mapusok. Nawa’y maging gintong aral ito sa kanila at lalo na sa’yo.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest