Ang babaing kinakain ang lahat (92)
NATATARANTA si Garnuk, hindi maunawaan kumbakit nawala sa dalampasigan ang malubhang anak na si Tatiana.
Alam na rin ni Sophia ang pagkawala ng anak, labis na nababahala ang mabuting ina ng babaing alien.
“Nasaan na ang anak ko? Hu-hu-hu-huu.”
“Burikiz!” galit na sabi ni Garnuk.
“A-ano raw?” tanong ni Sophia sa interpreter na gorilya.
“Huwag ka raw maingay, hindi makapag-isip si Haring Garnuk. Tumahimik ka raw.”
Tumahimik naman si Sophia, sinarili ang pagdarasal sa kaligtasan ng anak.
“Hail, Mary full of grace, the Lord is with thee, blessed art thou amongst women and blessed is the fruit of thy womb Jesus...”
Gumagamit na ng pang-amoy si Garnuk. Dala ng hangin ang samyo ng nawawalang anak.
Kaso ay pabagu-bago ng direksiyon ang hangin, nalilito si Garnuk kung saan maghahanap kay Tatiana.
“Binikuykuydez!” kumpas ni Garnuk sa hangin; pinapakalma ito.
Pero lalong umihip ang hangin, lalong nagpa-iba-iba ng direksiyon. WHUUUZZZ. WHIZZZ.
Natigilan si Garnuk, hindi makapaniwala na hindi niya nautusan ang hangin sa paligid.
“Pirisskah! Pirisskah!” sigaw ni Garnuk sa magkailang direksiyon.
“Tinatawag ni Haring Garnuk si Tatiana,” paliwanag kay Sophia ng interpreter na gorilya.
Panay na ang malalalim na paghinga ni Sophia, alam na kapag nagkataon ay aatakihin siya sa puso sa labis na tensiyon.
Sari-sari ang naglalarong scenario sa utak ni Sophia. Baka raw inubos na ng mga uwak ang kawawang anak; baka raw muling ibinalik ng mga alon sa dagat; baka raw inilibing na ng kung sinumang mga tao.
SI TATIANA na ga-hibla na lang ang hininga ay hila-hila ng ilang katutubong kalalakihan. Nakabahag lamang ang mga ito.
Dadalhin nila si Tatiana sa kanilang tribu. (Tatapusin)
- Latest