Ang babaing kinakain ang lahat (91)
SA PAMPANG ng dagat sa isang isla sa Pasipiko, naghihingalo na si Tatiana. Ang babaing kumakain ng lahat liban sa kapwa babae ay gahibla na lang ang hininga.
At alam niya ang nakaambang wakas. Umiiyak siyang nagsasalita.
“Ayokong...mamatay dito...tulungan mo...ako, Amang Garnuk... Hu-hu-huu. Baguhin mo...a-ang aking...katapusan...”
Sa nanlalabo nang kamalayan ni Tatiana, natatanaw niya sa himpapawid ang umaaligid na mga uwak.
Naaamoy na ng mga ito ang kanyang kamatayan.
Akalain ba niyang bukod sa bala ng baril, kaya rin pala siyang patayin ng mabagsik na lason?
At sa pusod pa ng dagat, na buong akala niya ay ligtas. “Bakit ako...natanga ng...lugar ng tao, Amang Garnuk?”
NAPAIGTAD si Garnuk, napahinto sa pakikipag-usap kay Sophia.
Nasagap na nito ang malubhang kalagayan ni Tatiana.
“Aburiskygusguz!” sabi nito kay Sophia.
“Ano raw?” tanong ng ginang sa interpreter na gorilya.
“Ang inyo raw anak ni Haring Garnuk, si Tatiana, ay nalason sa ilalim ng dagat. Ngayo’y naghihingalo, dapat iligtas.”
Kinilabutan si Sophia. Hindi kayang tanggaping mamamatayan ng kaisa-isang anak.
“Utang na loob, Garnuk, iligtas mo ang anak ko! Mahal na mahal ko si Tatiana kahit ano pa siya!”
Nagmamakaawa si Sophia, alam ni Garnuk.
Sa isang iglap ay tinangay na niya ang ginang na tao; sabay na dadaluhan si Tatiana.
ZHJINGG. Kasing-bilis ng speed of light ang paglipad nina Sophia at Garnuk at ng interpreter. Bago pa namalayan ng ginang ay nasa dalampasigan na sila ng pakay na isla sa Pasipiko.
“Timbuktukikik!”sigaw ni Garnuk, nasa mukha ang pagtataka.
Kinabahan si Sophia. “A-ano raw?”
“Sabi ni Haring Garnuk, bakit nawala rito sa pampang ang inyong anak na si Tatiana? Saan na raw napunta?” sabi ng interpreter. (ABANGAN)
- Latest